YEAR OF PRAYER 4: ANG “FASTING” BILANG PANALANGIN?
ANO ANG “FASTING?” Ang “fasting” o pag-aayuno ay bukas-loob na pag-iwas sa mabubuting bagay, karaniwan dito ang pagkain. Karaniwang ito ay ginagawa nating isang espirituwal na gawain lalo na kung Kuwaresma o kapag sinabi ng simbahan. Sayang naman, kasi sabi ng San Basilio, ang pag-aayuno ay isang makapangyarihang “sandata ng sanggalang laban sa mga demonyo.” Sinabi na din iyan ng Panginoong Hesukristo sa mga alagad na may mga demonyong napapalayas lamang sa tulong ng fasting (MK 9; 29). Dahil dito, dapat tayong masanay sa fasting at gawin itong isang uri ng ating panalangin at espirituwal na pagpapanibago. BAKIT PWEDENG GAMITING PANALANGIN ANG FASTING? Maraming dahilan para mag-ayuno: ang iba ay mabuti, ang iba masama. Ang masamang dahilan ay halimbawa, pagpapapayat, magpa-awa sa Diyos, o dahil inihahambing ang sarili sa ibang tao. Ang fasting ay ginagawa bunsod ng pag-ibig, tulad din ng lahat ng kilos-Kristiyano; pag-ibig sa Diyos at sa kapwa-tao. Ang pag-aayuno o pag-iwas sa kasalanan ay hindi kasama sa fasting. Mabuti talagang umiwas sa pagkakasala pero hindi ito pag-aayuno; ito ay pananagutan ng lahat ng mga anak ng Diyos. Kumbaga, expected na iyan sa ating lahat. Ano ang mabubuting dahilan? Narito ang ilan: paghahanda sa mga dakilang pagdiriwang ng pananampalataya, pagsupil sa ating mga pagnanasa, pagkakaroon ng mabuting kaugalian, paglago sa kababaang-loob at pagpapaubaya sa Diyos, pag-aalay ng sakripisyo para sa isang kahilingan, at para maging mas malapit sa Panginoong Hesukristo. Kung ang ilan sa mga ito ay malapit sa puso mo, maaari kang mag-fasting bilang panalangin. PAANO MAG-FASTING? Una: Magsimula sa maliit lamang. Unahin halimbawa ang pag-iwas sa meryenda tuwing Biyernes o kung coffee lover, sa pagkakape kahit minsan sa isang linggo. Magandang paraan ang maliliit na bagay na ito upang magsimula ang isang kaugalian. Kung bibiglain kasi, baka magsawa agad tayo at hindi natin maitaguyod ang fasting hanggang sa dulo. Ikalawa: Magsimulang simple. Hindi dapat mabigat agad ang fasting. Kaya nga pagkain muna ang rekomendasyon. Dahil lagi nating hinahanap ang pagkain, nagiging sakripisyo kapag minsan ay hindi natin ito pinapatulan na gawin. Pero maaari ding mag-fasting sa ibang bagay: inumin, mga luho ng katawan, media at social media, mga libangan, internet, atbp, Ikatlo: Tiyakin na makabubuti ito sa iyo at sa iyong mga ugnayan. Hindi dapat maging parusa sa iyo o sa ibang tao ang pag-aayuno mo. Ang fasting mo sa paggamit ng kotse ay maaaring sakripisyo sa iyo subalit makaka-apekto din sa mga anak mo na kailangang maagang makarating sa paaralan. Ang fasting ay dapat bunga ng pag-ibig. Ika-apat: Mag-ingat sa pangangatuwiran. Kung nagpasya kang mag-fasting at ang daming katuwiran na naiisip ka kung bakit hindi ito dapat gawin o ituloy, tanda ito na talagang dapat mong pagsikapang ituloy ang iyong pasya na mag-ayuno. Para bang ganito: “Paano ngayon ako mage-enjoy? Paano naman ang kaligayahan ko?” Iba ang pangangatuwiran sa tunay na mga kadahilanan. Halimbawa: “Dapat ba akong mag-ayuno kung sabi ng doktor ay bawal sa akin ang lumiban sa pagkain? Paano ako iiwas sa bagay na iyan kung magiging bunga naman nito ay makakasama sa mental health ko?” Ikalima: Dapat ang makakaalam lamang nito ay ang Diyos at ikaw, at ang iyong tagapayong espirituwal. Sa Mateo 6, sinabi ng Panginoon na mabuting ang fasting ay isang lihim. Hindi masamang ipaliwanag sa iba kung mapansin nila, at mabuting malaman din ng asawa, malalapit na kaibigan o ng spiritual director ang iyong pasya na mag-ayuno. Matutulungan nila tayo na maging matapat sa ating plano. Ang paga-ayuno ay isang sandata laban sa kasamaan at gagawa ang demonyo ng maraming bagay upang guluhin ang isang tao habang naga-ayuno. Malaking tulong ang mga supportive at mga tapat na kaibigan. Ang tumanggap ng gabay sa kanila ay hindi makakabawas sa ating sakripisyo. Ika-anim: Dapat may plano ka. Dapat may petsa ng simula, katapusan at pangkalahatang plano para hindi pabugsu-bugso lamang kundi talagang maituloy-tuloy ang fasting. Piliin ang panahon at ang haba ng fasting na nais mong gawin. Halimbawa: walang internet tuwing Biyernes; walang TV mula Lunes hanggang Huwebes. PAANO GAWING DASAL ANG FASTING? Ang fasting bilang sakripisyo at panalangin ay dapat ialay sa isang natatanging intensiyon o kahilingan. Sa gayun, magsisilbi itong inspirasyon sa iyo. Sa pagsisimula ng iyong fasting anyayahan ang Diyos na samahan ka at tulungan kang matupad ito. Sa tuwing isasagawa ang pag-iwas sa anumang pagkain o gawain, magdasal sa iyong puso ng pag-aalay nito sa Panginoon para sa iyong kahilingan. Pasalamatan ang Panginoon sa anumang magandang ibubunga ng fasting para sa iyo at sa iyong kapwa. At kung minsan ay makalimot, huwag masiraan ng loob. Hindi tayo perpekto kay ituloy lang sa susunod na pagkakataon ang iyong napagpasyahang sakripisyo. Kung mawala sa landas, hingin lang ang tulong ng Diyos na muling makabalik dito. Share on FacebookTweet Total Views: 280
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed