YEAR OF PRAYER 5: MGA KAWANGGAWA (WORKS OF MERCY) BILANG PANALANGIN
ANO ANG WORKS OF MERCY? Ang mga gawang-kabanalan o works of mercy ay mga kilos ng pagmamahal sa paglilingkod at awa sa kapwang nangangailangan ng tulong – materyal man o espirituwal. Tila sa una ay hindi angkop na ituring itong isang panalangin, subalit hindi maaaring paghiwalayin ang panalangin at ang buhay Kristiyano. Ang pagmamahal na nagdadala sa atin sa panalangin ang siya ring nagtutulak sa ating maglingkod sa kapwa. Hindi ba sinabi ng Panginoon na “mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, kaluluwa at isip… at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili”? (Mt. 22:37-39). May dalawang uri ng kawanggawa: pangkatawan o corporal at pangkaluluwa o espirituwal PITONG KAWANGGAWANG PANGKATAWAN (7 CORPORAL WORKS OF MERCY) 1. Pakainin ang nagugutom. 2. Painumin ang nauuhaw. 3. Damitan ang walang damit. 4. Kupkupin ang walang tahanan. 5. Dalawin ang maysakit. 6. Dalawin ang nasa bilangguan. 7. Ilibing ang patay. ANG PITONG KAWANGGAWANG ESPIRITUWAL (7 SPIRITIUAL WORKS OF MERCY) Ang mga kawanggawa o mga gawang-kabanalan ay kaugnay ng panalangin dahil ito ang mga bunga at nagsisilbing inspirasyon sa buhay panalangin (1 Jn 4; 7-21). Ito ang mga bunga ng ating ugnayan sa Diyos na ipinapamalas sa pamamagitan ng mga kilos ng pagmamahal at paglilingkod. Sa 1 Jn 4: 19-21, sinasabi na nagmamahal tayo dahil una tayong minahal ng Diyos, at sinumang nagmamahal sa Diyos ay dapat ding magmahal sa kanilang mga kapatid. Kaya ang bawat kabutihang ginagawa natin alang-alang sa pagmamahal natin sa Diyos ay lalong nag-uugnay sa atin sa Diyos tulad ng ibang uri ng panalangin. Kayang kayang gawin ito ng bawat isa sa atin. Hindi ibig sabihin na kapag ikaw ay gumagawa ng kabutihan, ito ay kapalit na ng panalangin. Hindi maaaring ihiwalay ang panalangin at buhay at hindi rin maaaring pagpalitin ang mga ito. Ang panalangin ang ugat at tangkay at ang kawanggawa o gawang kabanalan naman ang bunga at mga sanga. PAANO GAWING PANALANGIN ANG KAWANGGAWA O WORKS OF MERCY Una, sa mga simple at tago na paraan na akma sa ating buhay at bokasyon. Bilang magulang, nagpapakain at nagdadamit ba tayo sa nagugutom at mga walang kasuotan? Bilang pari o madre, nagtuturo ba tayo o nagtutuwid sa mga mangmang at makasalanan? Bilang magkakasama sa trabaho, nagpapasensya ba tayo at nagpapatawad sa kamalian o kapalpakan minsan ng ating mga kasama? Sa mga situwasyong ito, maaaring ialay bilang panalangin ang ating gawang-kabanalan. Ikalawa, mula sa ating sariling buhay at personal na bokasyon, maaari na tayong tumulong sa mas malawak na lipunan sa mga taong higit na nangangailangan. Maaaring magbigay ng pagkain sa isang pulubi o palaboy; mag-alaga o dumalaw sa isang maysakit sa ospital o tahanan; maging handang magbahagi kapag may sakuna o kalamidad; maging mabuti at mapaglingap sa mga mahihirap na tao sa ating kapitbahay, parokya, o pamayanan. Ikatlo, tandaan na tayo din ay tumtanggap ng kawanggawa o kabutihan ng iba. Maraming mga tao na tumulong sa atin upang makarating tayo sa ating kinaroroonan; marami pa ang walang sawang nagmamalasakit sa atin sa bawat sandali ng ating buhay. Kaya ang ating kawanggawa ay isang pasasalamat din sa Panginoon. Share on FacebookTweet Total Views: 332
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed