Home » Blog » IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

PUSO PARA SA MAHIHIRAP

JN 6: 1-15

MENSAHE

May sumisikat na trend ngayon sa ating mga simbahan. Kabi-kabila ang pagkokorona sa mga imahen ng Mahal na Birhen sa gitna ng marangyang pagdiriwang na pinangungunahan ng mga obispo, kardinal, at nuncio. Nag-uunahan ang mga simbahan na maideklara bilang shrine o natatanging dambanang pang-diyosesis, pambansa, at pandaigdigan, o kaya bilang basilika. Ang mga makabagong simbahan ay winawasak para gawing mukhang luma; ang mga simpleng altar ay pinapalitan ng mga mamahaling at ginintuang mga retablo. Subalit nakababahala din ang trend na ito. Dahil kalimitan wala tayong nakikita o naririnig na mga proyektong nakalaan sa mga mahihirap, sa mga batang lansangan, sa mga palaboy, sa mga kabataang hindi makapag-aral, sa mga walang hanapbuhay, at sa mga taong nakikipagbuno sa mental health. Sabi ng isang pari: “Ang trabaho ko ay sa construction; trabaho ni mayor ang mahihirap.” Mahalaga ang mga debosyon. Mahalaga din ang mga construction ng mga banal na gusali. Subalit baka makalimutan nating hindi lang kaluluwa ang pakay ni Hesus. Inalala din niya ang pangangailangan ng katawan ng tao.

Sa Mabuting Balita ngayon, makikita nating ang Panginoong Hesukristo ay abala sa pagtuturo, pagpapagaling, at pagpapahayag. Subalit nang mapansin niyang nagugutom na ang madla, tumigil siya at inatasan ang mga apostol na gumawa ng paraan. Siya at ang mga apostol ay nag-asikaso sa pisikal na pangangailangan, sa kakulangang pang-katawan ng mga tao.

Ang simbahan ay pamayanang hindi lamang dapat abala sa mga doktrina, dasal, at debosyon. Dapat ding ituloy nito ang pagmamahal at pagmamalasakit ni Hesus para sa buong tao, kaluluwa at katawan. Ang Eukaristiya, ang Tinapay ng Buhay ay hindi agad pumapasok sa puso kundi dumadaan muna sa dila, sa bibig, sa katawan. Totoong hindi pananagutan ng simbahan na baguhin ang buong Lipunan subalit sabi ni St. Mother Teresa: “Maaaring hindi mo matulungan lahat ng mahihirap; kaya tumulong ka kahit sa isa.” Sa lahat ng lugar, may taong dukha – gutom, palaboy, lupaypay. Maaari ba tayong maging tulad ni Hesus at asikasuhin din sila?

MAGNILAY

Ngayong linggo, ipagdasal nating ang mga simbahan ay harapin ang hamon na maging bukal ng inspirasyon hindi lang sa mga deboto, kundi sa mga dukha din, na sa kanilang pangangailangan, tumitingala sa Diyos. Sa ating sariling buhay, maging handa sana din tayong magpakita sa mga dukha ng pagmamalasakit, presensya, at pakikipagkaibigan. Maging tulad nawa tayo ni Hesus!