Home » Blog » PANALANGIN PARA SA MGA LOLO AT LOLA (Pista, San Joaquin at Santa Ana)

PANALANGIN PARA SA MGA LOLO AT LOLA (Pista, San Joaquin at Santa Ana)

Sa Kapistahan nina San Joaquin at Santa Ana, Hulyo 26

Panginoong Hesukristo, anak ng Diyos at anak ng Birheng Maria, na isinilang sa pamilya nina San Joaquin at Santa Ana, basbasan mo po ang aming mga lolo at lola. Pangalagaan mo po sila. Itaguyod mo po sila. Habang tumatanda sila, nawa’y patuloy silang kilalanin bilang haligi ng kanilang mga pamilya, tagapagpamana ng pananampalataya sa Mabuting Balita mo, tagapagturo ng mabuting asal, at ng buhay na tradisyon ng pamilya at pananampalataya. Maipasa nawa nila ang kanilang hinog na karanasan ng makatao at maka-Diyos na buhay.

Panginoong Hesus, tulungan mo pong maunawaan ng bawat pamilya ang kahalagahan ng mga lolo at lola, ng ingkong at impo, ng aming mga ninuno. Huwag nawa nilang maramdamang sila ay hindi kasali o binabalewala kundi laging iginagalang at minamahal. Maramdaman nawa nilang sila ay aalagaan at gagabayan hanggang sa kanilang huling hininga kung paano din nila inalagaan, binuhay, at minahal ang kanilang mga anak at mga apo.

Maria, Ina ng lahat ng nabubuhay, kalingain mo po ang mga lolo at lola upang sa tulong ng iyong panalangin gugulin nila ang kanilang buhay sa pagdarasal para sa kanilang mga pamilya habang inilalapit nila ang kanilang mga puso sa Diyos na siyang Ama ng lahat sa langit at lupa.

Ang lahat ng ito, hiling naming, sa ngalan ni Kristo, kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.

San Joaquin at Santa Ana, ipanalangin po ninyo kami. Amen.