Home » Blog » SAINTS OF JULY: MAHAL NA BIRHENG MARIA DEL CARMEN

SAINTS OF JULY: MAHAL NA BIRHENG MARIA DEL CARMEN

HULYO 16

 

MAHAL NA BIRHENG MARIA NG BUNDOK NG CARMELO


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Isa sa pinakalaganap subalit napakasimpleng debosyon sa Pilipinas ang pagsusuot ng brown scapular. Madaling mapansin kung sa leeg ng isang tao ay may naka-kuwintas na brown scapular. Iba’t-iba ang kahulugan ng ganitong kinaugalian para sa iba’t-ibang tao kaya hindi natin matitimbang kung gaano kalalim ang debosyon ng nagsusuot nito sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen.

 

Ang ating brown scapular ay isang maliit na bersyon ng orihinal at malaking scapular (o balabal sa harap at likod) na ginagamit ng mga Carmelites, o grupo ng mga pari, mongha, brothers at sisters na nagsasabuhay ng Carmelite spirituality? Ano ba ang Carmelite spirituality at ano ang natatanging lugar ng Mahal na Birheng Maria sa pagsasabuhay nito?

 

Sa Banal na Kasulatan o Bibliya ay matatagpuan ang pagsasalarawan sa kagandahan ng Bundok ng Karmelo (o Bundok del Carmen). Dito kasi sa bundok na ito naganap ang napakagandang tagpo kung saan ipinagtanggol ni Propeta Elias and pananampalataya ng bayang Israel laban sa mga pari at propeta na sumusunod noon sa mga diyos-diyosan. Sumagot sa pamamagitan ng apoy ang tunay na Diyos at pinuksa ang mga kampon ng mga diyos-diyosan.

 

Nagsimulang umakyat noong  12th century ang mga ermitanyo sa bundok na ito upang doon ay manatili sa katahimikan at pananalangin. Dahil sa interes ng mga ermitanyo na palaguin ang kanilang pananampalataya at kabanalan sa bundok ay natatag ang isang religious order na itinalaga sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Diyos. Tinawag ang religious order na ito na Carmelites. Ang kasuutan ng mga miyembro ay kulay brown (at dito hango ang kulay ng scapular. May iba pang scapular na hindi brown, halimbawa ay blue, subalit pinakasikat na yata ang brown).

 

Ang mga kilalang banal na tao na naging bahagi ng Carmelite Order ay sina Santa Teresa ng Avila, Santa Teresita ng Lisieux, San Juan dela Cruz, at marami pang iba. May sangay para sa mga lalaki at para sa mga babae ang mga Carmelites. May mga Carmelites na namumuhay bilang monghe o mongha at mayroon din namang nasa active life. Marami din mga Carmelites na lay people na nagdadala ng diwa ng Carmelite spirituality sa kanilang ordinaryong pamumuhay araw-araw.

 

Ayon sa kasaysayan, nagpakita ang Mahal na Birhen kay San Simon Stock, isang pangkalahatang lider ng grupo, dala ang isang scapular sa kanyang mga kamay. Inatasan ng Mahal na Birhen ang religious order na ipalaganap ang debosyon sa scapular at ialay ang sarili sa kabanalan sa pamamagitan ng debosyon sa kanya.

 

Ang Mahal na Birhen ang kinikilalang Reyna ng Carmelite Order. Siya ang “bulaklak ng Karmelo.”  Ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Bundok ng del Carmen ay lumawak pa sa labas ng religious order at naging bahagi ng buhay panalangin, pamamanata at pagkilos ng maraming mga Kristiyano sa buong daigdig.   Maraming tao ngayon ang may suot ng brown scapular. Inamin ng dating santo papa, Pope John Paul II, na ngayon ay isang santo na din, na sa batang edad ay nagsuot na siya ng brown scapular upang humingi ng tulong at proteksyon ng Mahal na Birhen.

 

Nakilala ko ang Mahal na Birhen ng Bundok del Carmen mula sa aking pagkabata dahil ang parokya kung saan ako ay isinilang, bininyagan, kinumpilan at nagdiwang ng Canta Misa bilang pari ay ang parokya ng Nuestra Senora del Carmen sa Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan.  Kinikilala kong Ina ng aking buhay at bokasyon ang Mahal na Birheng del Carmen, ang aming patrona.

 

Malaking tulong din ang pakikipagkaibigan ko sa mga mongha mula sa iba’t-ibang monasteryo ng Order of Carmel (O. Carm) at Order of Discalced Carmelites (O.C.D.). Mabisa at walang patid ang panalangin ng mga banal na babaeng ito na laging handang mag-alay ng buhay para sa mga kahilingang dinadala sa kanila ng mga tao. Sinabi sa akin ng dating parish priest namin, ang yumaong Fr. Francisco “Boy” Sta. Ana, na hindi binibigo ng Diyos ang anumang kahilingan ng mga mongha. Naniniwala ako dito kaya lagi akong humihingi ng tulong sa pagdarasal mula sa mga Carmelites, lalo na kay Sor Susana, OCarm ng monasteryo sa Burgos, Pangasinan.

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Kapag may pagkakataon, maglaan ng panahon upang dumalaw sa isang Carmelite Monastery at magdasal doon para sa iyong mga pasasalamat at mga kahilingan. Pansinin ang katahimikan at ang diwa ng pakikipagtagpo sa Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria. Humiling ng panalangin sa mga mongha at magbigay ng kaunting tulong para sa kanilang mga pangangailangan habang nagsa-sakripisyo sila para sa kapakanan nating nabubuhay sa mundong ito.

 

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Zac 2: 14

 

“Umawit ka at magalak, Dalagang Sion pagkat dumarating ako upang manahan sa piling mo,” sabi ni Yawe.

 

(MULA SA AKLAT NA “ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)