ANO ANG “BLASPHEMY?” – ANG KASALANAN NG KALAPASTANGANAN
Ano ang kasalanan na tinatawag na “kalapastanganan” (sa Ingles, blasphemy)? Naging usap-usapan kamakailan ang “blasphemy” na natunghayan sa Paris Olympics 2024 Opening. Maraming Katoliko at iba pang mga Kristiyano ang nag-protesta sa nakita nilang pambabastos sa ating pananampalataya sa marangyang palabas na idinaos sa sikat at magandang lungsod na ito.
Ayon sa Katesismo ng Simbahan (CCC 2148), ito ay tahasang paglabag sa Ikalawang Utos ng Diyos – ““Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan.” (Exo. 20:7).
Ito ay ang pagsasalita o pag-iisip ng masama laban sa Diyos – sa panlabas man o maging sa kalooban ng puso o isip – mga salita o kaisipan ng pagkasuklam, pagsalansang, paninisi, o paglaban sa Diyos. Kalimitang nakikita ito sa pagsasalita ng masama laban sa Panginoon, sa kawalang-galang sa kanya sa pananalita, at sa maling paggamit ng pangalan ng Diyos.
Sabi ni Santiago Apostol, ang kalapastanganan ay “paglait” sa banal na pangalan na ibinigay ng Diyos – ang pangalan ng Panginoong Hesus. Ang pagbabawal sa kalapastanganan ay saklaw din ang pagbabawal ng masasamang pananalita laban sa Simbahan ni Kristo, sa mga santo at santa, at sa mga banal na bagay.
Kalapastanganan din ang gamitin ang ngalan ng Diyos upang pagtakpan ang isang krimen, ang paggamit ng kapwa tao bilang mga alipin, ang pagpapahirap (torture) sa mga tao o kaya ay ang pagpatay sa kanila. Ang paggamit ng ngalan ng Diyos sa masamang gawain o krimen ay nagtutulak sa mga tao na talikuran ang pananampalataya.
Diin ng Katesismo, ang kalapastanganan ay labag sa paggalang sa Diyos at sa kanyang banal na pangalan. Ito ay isang malaki at seryosong kasalanan.
Sa Paris Olympics Opening Ceremony, ipinakita ang tagpo ng “Huling Hapunan” o “Last Supper” ni Leonardo da Vinci na ang tumayong Kristo at mga alagad ay mga “drag queen” o mga bakla, na ikinakilabot ng maraming mananampalataya.
Hindi lamang mga Kristiyano kundi maging ang Al-Azhar, ang pinakamataas na luklukan ng karunungan para sa mga Sunni Muslim, ay nagprotesta sa kawalang-galang na ito.
ISANG MAIKLING PANALANGIN BILANG
PAGBABAYAD-PURI SA KALAPASTANGANAN SA Diyos
“Nawa ang lubhang banal, lubhang mahiwaga, hindi mabigkas, at laging dapat sambahin na Ngalan ng Diyos ay laging purihin, pasalamatan, mahalin, sambahin, at luwalhatiin sa langit at sa lupa at sa ilalim ng lupa, ng lahat niyang mga nilikha, at ng Kamahal-mahalang Puso ng ating Panginoong Hesukristo sa Banal na Sakramento sa altar.”