SAINTS OF AUGUST: DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AAKYAT SA LANGIT NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
AGOSTO 15
A. KUWENTO NG BUHAY
Mayroon ba at kung mayroon, ano, ang kapistahan sa simbahan na naging bahagi ng kalendaryo ng mga santo matapos itong idaan sa pamamagitan ng pagboto ng mga obispo? Nakakagulat na tanong, hindi ba? Pero ang sagot, “mayroon!” At ang kapistahan ay ang Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birhen!
Kalimitan sa mga kapistahan ng mga santo ay nakabase sa petsa ng kanilang kamatayan o ng kanilang pagsilang na nakabase naman sa aktuwal na kasaysayan ng kanilang buhay o sa salaysay ng tradisyon ng simbahan. Subalit ang kapistahan sa araw na ito ay bunga ng sama-samang paniniwala ng buong simbahan na ang bagay na ito ay tunay na naganap.
Ano ba ang nangyari sa Mahal na Birhen pagkatapos na umakyat sa langit ang kanyang Anak na si Jesus? May kaunting impormasyon sa Mabutng Balita ayon kay San Juan 19: 25-27: “Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa ina: Babae, hayan ang anak mo! Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: Hayan ang iyong ina. At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan.”
Kaya, sigurado tayo na inalagaan ni San Juan Apostol ang Mahal na Birhen na ibinilin sa kanya ng Panginoon. Si Maria nga ay patuloy na naging kaugnay ng mga apostol at ibang mga alagad ng Panginoon habang naghihintay sa pagdating ng Espiritu Santo (Mga Gawa: 1: 14): “Nagkakaisa sila ng diwa at patuloy na nananalangin, kasama ang ilang babae, pati si Mariang ina ni Jesus, at ang kanyang mga kapatid.” Ito ang huling diretsong pagbanggit sa Mahal na Birhen sa Bagong Tipan.
Dahil hindi kumpleto ang detalye ng mga huling sandali ng buhay ni Maria sa Mabuting Balita, malaking tulong sa atin ang paniniwala ng mga unang Kristiyano na ipinasa sa atin mula noon hanggang sa ating panahon.
Bahagi ng paniniwalang ito ay ang paninirahan ni Maria sa Efeso kung saan, ayon sa tradisyon, nagmisyon si San Juan pagkatapos na magmisyon sila ni San Pedro sa Samaria. Bagamat namatay siya sa isla ng Patmos, hanggang ngayon ay dinadalaw ng marami ang tahanan ni Maria at San Juan sa Efeso (ngayon ay nasa modernong bansang Turkey).
Maaaring sa tahanang ito sa Efeso namatay si Maria. Pagkatapos ng kanyang kamatayan, iniakyat ng Diyos si Maria sa langit, kaluluwa at katawan. Niyakap ng mga unang pamayanang Kristiyano ang paniniwalang ito at ipinagdiwang nila ang kapistahang ito mula pa noong una, lalo na ng mga Kristiyano sa Silangan. Ginawa din ito ng mga Kristiyano sa Kanluran bilang pakikiugnay sa pananampalataya ng kanilang mga kapatid sa Silangan.
Dahil dito, masasabing ang paniniwala sa pangyayaring ito at ang pagdiriwang nito ay bahagi ng tuloy-tuloy at hindi naputol na tradisyon (hindi tradisyon bilang kultura lamang, kundi bilang buhay-pananampalataya at buhay-pagsamba) ng mga Kristiyano. Upang lalong mapagtibay na ito nga ang pinananaligan ng mga Kristiyano, tinanong ni Papa Pio XII ang mga obispong Katoliko sa buong mundo na nagbigay naman ng kanilang pagsang-ayon bilang kinatawan ng kanilang mga pinamumunuang lokal na simbahan. Naganap ito noong 1946. Noong sumunod na taon, ipinahayag ng Santo Papa na ang Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay isang totoong dogma (bahagi ng katuruan ng buong simbahan).
Subalit tulad ng lahat ng lahat ng kapistahan ni Maria, ang papuri at parangal ay hindi sa kanya dahil siya ay bukod-tangi o paborito ng Diyos. Lahat ay tungkol sa kapangyarihan ng Diyos na tinanggap ni Maria nang buong puso. At may kinalaman din ito sa anumang magaganap sa mga anak ng Diyos sa simbahan sa mga huling araw.
Ang Diyos ang siyang “nag-akyat” o bumuhay kay Maria. Ang pagiging Ina ng Diyos ang dahilan na hindi pinabayaan ng Diyos na mabulok ang katawan ni Maria sa hukay. Si Maria din ay larawan ng buong simbahan at bawat Kristiyano na balang araw ay nagnanais na makapasok sa kaharian ng langit pagkatapos ng buhay sa lupa.
B. HAMON SA BUHAY
Nagbibigay ng lugod at saya sa mga Kristiyano na malaman na mayroong nauna sa langit bilang gantimpala sa katapatan kay Kristo. At isa sa mga naroon ay ang mismong babae na nagsilang sa kanya sa mundong ito. Ang babaeng ito, si Maria, ay ina din nating lahat sa pananampalataya. Nawa’y patuloy tayong magpagabay sa kanya upang lalong matuklasan ang kayamanan ng buhay kay Kristo.
K. KATAGA NG BUHAY
Lk 1: 48-49
Dahil isinaalang-alang niya ang hamak na utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan.
From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos
1 Comments