Home » Blog » IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

SIMPLENG PAGKAIN ANG KAILANGAN

JN 6: 24-35

MENSAHE

“Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.” Napakatindi ng mga salitang ito ng Panginoong Hesukristo. Napatunayan ito sa buhay ng mga santo na seryosong nagtiwala sa kanya. Sinasabing sina Sta. Catalina ng Siena, Sta. Angela ng Foligno, at San Jose Cupertino, at iba pa, ay Banal na Komunyon lang ang pagkain sa ilang pagkakataon, at nabuhay silang malusog at masigla.

Tila ang hirap isipin nito sa panahon nating wiling-wili tayo sa panonood ng “mukbang challenge,” sa pagtangkilik sa “food vloggers,” at sa pag order sa Food Panda at Grab Food. Gusto nating kumain at uminom hanggang hindi na makalakad, at nag-aaksaya din tayo ng sobrang daming pagkain. Ang dami na ding may problema sa kalusugan dahil sa sobrang pagkain o maling pagkain.

Itinuturo ng Panginoong Hesukristo na ang kailangan lang ay simpleng pagkain. Ang pagkain ay para mabuhay, hindi isang obligasyon, hindi rin libangan. Kaya kung nais natin ang malusog na buhay espirituwal, narito ang sarili niya, ang Tinapay ng Buhay, ang tanging bukal ng buhay espirituwal; hindi makukuha ang buhay sa mga pamahiin, nakaugalian, o mga sobrang sakripisyo. Kailangan lang ay katapatan sa simpleng Tinapay ng Diyos sa Banal na Misa. Gayundin naman, pagkatanggap ng Tinapay ng Buhay, dapat tayong laging mamuhay nang simple at malusog, at bukas-palad sa mga kapatid nating nagugutom din para sa kanyang pagmamahal.

MAGNILAY

Naniniwala ka din ba tulad ni Sta. Teresa ng Avila, na ang Diyos ay sapat na para sa iyo? Kung ganoon, tanggapin siyang may galak at pananabik tuwing Linggo sa Misa. At sa pag-uugnay mo ng sarili sa Panginoon, hilingin ang biyaya ng simple at bukas-palad na puso, isang puso na makabubuti sa iyo at sa mga taong nakapaligid sa iyo.