Home » Blog » IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

ANG ARAL NA ITO AY TOTOO!

JN 6: 41-51

MENSAHE

“Ako ang tinapay ng buhay.” Paulit-ulit sinasambit ito ng Panginoon. Paglalarawan lang kaya ito o isang halimbawa o isang malinaw na aral na nais niyang matutunan natin? Sinabi pa niya: “Mabubuhay kailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito.” Tila hindi nga paglalarawan lang o halimbawa; may kasama palang pangako – buhay! Patuloy niya: “Ang tinapay ay ang aking laman.” Paano makapagbibigay-buhay ang isang tinapay kung hindi ito magiging tunay na laman, tunay na Katawan ng Panginoon?

At mula sa pangangaral, hahantong pa ito sa Huling Hapunan; doon kinuha niya ang tinapay at sinabi: “Ito ang aking Katawan,” at ang alak at sinabi: “Ito ang aking Dugo.” Ang tinapay ay “ihahandog” para sa lahat; ang alak ay para sa “pagpapatawad ng mga kasalanan.” Malinaw at makapangyarihang pananalita! At kung akala natin tapos na doon, nandiyan pa ang mga apostoles, si San Pablo, at mga Ama ng simbahan, na nagsulat at nagturo tungkol sa Tinapay na nagbibigay-buhay at Dugong nagdudulot ng kaligtasan. Mula kay Hesus hanggang sa ating panahon, nananatili ang katotohanan ng aral tungkol sa Tinapay na ito.

Sa USA ngayon, may Eucharistic revival; kailangan nila ito dahil napatunayang kaunti lang sa mga Katoliko ang naniniwala sa presensya ng Panginoong Hesukristo sa Tinapay at Alak sa Misa. Samantala, sa isang survey, nakitang marami sa mga Pilipinong Katoliko ang sumsampalataya naman dito. Malaking biyaya ito, isang kaloob sa atin na Diyos Ama lamang ang makapagtatanim sa ating mga puso. Pero teka, ito bang paniniwala natin sa Katawan at Dugo ni Kristo ay may saysay sa ating buhay?

MAGNILAY

Kung talagang sumasampalataya ka sa tunay na presensya ni Hesus sa Komunyon na tinatanggap mo, paano ito nakakaapekto sa buhay mo? Paano ito nailalapat sa paglilingkod at pagmamahal mo sa kapwa? Paano kaya ito nakatutulong upang gawin kang masigasig sa pagbubuo ng isang mas kaaya-ayang mundo?