Home » Blog » IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

SAKRAMENTAL O ESPIRITUWAL?

JN 6: 51-58

MENSAHE

Noong pandemya, nabatid nating dalawa ang paraan ng pagtanggap sa Panginoong Hesus sa Banal na Komunyon: ang sakramental at ang espirituwal. Ang Komunyong Sakramental ay ang pagtanggap sa Katawan ni Kristo nang personal, sa pisikal nitong anyo na Tinapay at Alak, tuwing dadalo tayo ng Misa sa simbahan. Ang iba, tumatanggap sa kamay, ang iba sa bibig naman. Ang Komunyong Espirituwal naman ay sumikat noong pandemia kung saan bawal ang pagtitipon sa Misa. Habang sumusubaybay sa Misa sa TV, radio, o internet, may “Panalangin para sa Spiritual Communion,” kung saan inaanyayahan natin ang Panginoon sa ating puso, habang umaasang balang araw ay makadadalo na sa Misa at makatatanggap na ng Komunyong Sakramental.

Isang tanong ang nabuo sa isip: alin ang mas mataas na uri ng Komunyon? Ang Komunyong Espirituwal ba ay mas mababa, pang-emergency lamang, kund hindi maaaring dumalo sa simbahan? Sabi ng Panginoong Hesus: “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya.” Ito ang layunin ng Komunyon, ang manatili tayo sa Diyos at ang maghari siya sa ating puso. Hindi lang basta tumanggap, isubo at kainin ang tinapay na Katawan ni Kristo, kundi isang prosesong mas malalim pa dito.

Ayon kay San Buenaventura ang tunay na layunin ng Banal na Komunyon ay ang Komunyong Espirituwal. Maaari ka nga namang mag-Komunyon sa Misa dala ng nakaugalian, ng pormalidad, o ng pagsunod lamang. Subalit kung hindi ito hahantong sa espirituwal na pagtanggap sa Panginoon, hindi magbabago ang ating buhay. Totoong mahalaga ang Komunyong Sakramental, subalit mabisa lamang ito kung tunay mong inaanyayahan ang Panginoon sa puso mo. Kaya nga noong pandemia, kahit wala tayo sa simbahan, natanggap pa din natin ang Panginoon sa ating espiritu… at malalim at makapangyarihan din ang karanasang ito. At magagawa natin ito araw-araw, saanman at anumang oras natin piliin.

MAGNILAY

Ugali na nating magsimba at mag-Komunyon. Subalit kahit walang Misa, maaari pa din nating tanggapin ang Panginoon sa isang tunay at espirituwal  na paraan. Tulad ni St. Mother Teresa, sabihin natin madalas: “Hesus na nasa aking puso, nananalig ako sa iyong matimyas na pag-ibig sa akin. At minamahal din kita.” Palaging anyayahan ang Panginoon sa iyong puso… ugaliin ang madalas na Komunyong Espirituwal.