IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
ANO ANG TUGON MO?
JN 6: 60-69
MENSAHE
Ngayon ang huling pagbasa mula sa Mabuting Balita ni San Juan tungkol sa Tinapay ng Buhay, sa Eukaristiya. Sa wakas, makikita natin ang dalawang uri ng tugon ng mga tao sa Panginoong Hesukristo. Ang unang tugon ay pag-aalinlangan, pag-aatubiling maniwala: “Totoo ba ito? Maibibigay ba niya ang laman at dugo niya bilang pagkain at inumin natin? Nagbibigay-buhay ba talaga ang kanyang Katawan? Ano ang karapatan niyang magturo ng ganito, isang karpintero at simpleng mangangaral? At nagpasya silang kumilos… papalayo sa Panginoon.
Ang ikalawang tugon ay pagtataya, pagtitiwala: “Nangangako ang taong ito na bibigyan tayo ng buhay; na siya ang Tinapay mula sa langit at ang kumain ng kanyang laman ay mabubuhay magpakailanman. Iba siyang magsalita kaysa mga guro at propeta. Saan pa nga ba ako tutungo kundi sa Banal ng Diyos na ito?”
Ngayon, medyo mahirap maniwala sa basta salita, na manangan sa basta pangako. Alam nating ang pangako ay napapako, ang lihim ipinagkakalat, ang kumpidensyal inilalathala, ang impormasyon binabaluktot, at ang kasunduan sinisira. Mapanganib ang magtiwala, hindi madaling magawa. Bilang mga Katoliko, nakahawak tayo sa Salita ng Diyos sa Mabuting Balita. Ibibigay ni Hesus ang sarili upang maging pagkain ng ating kaluluwa. Maaaring hindi ganap na maunawaan, o laging maramdaman, o makita agad ang kaganapan. Subalit tuwing madidinig natin ang mga salita sa Misa: “Ito ang aking Katawan… Ito ang aking Dugo…,” nagtitiwala tayo sa Kanya na nagsabing patatawarin ang ating mga kasalanan, at hihilumin ang ating mga sugat at kahinaan.
MAGNILAY
Naniniwala ka bang tunay mong nakakasalamuha ang Panginoong Hesukristo sa Misa? Na nauugnay ka sa kanya sa pagtanggap mo sa kanyang Katawan sa Banal na Komunyon? Kung gayon, pasalamatan ang Panginoon sa biyaya ng pananampalatayang tulad ng taglay ng mga alagad. Minsan ba naman nahihirapan kang manalig? Buong kababaang-loob kang humingi ng biyaya ng pasensya, ng paggabay, at ng pagtitiwala sa kanya!