IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
ANO ANG NASA LOOB MO?
Mk 7: 1-8, 14-15, 21-23
MENSAHE
Napapansin mo bang habang tumatanda tayo, nasasanay tayo sa mga kilos at pag-iisip na nagdadala sa ating maniwala na kung ano ang ginagawa natin “sa labas,” kung ano ang nangyayari “sa labas,” kung ano ang sinasabi ng iba “sa labas,” at kung ano ang iniisip nila “sa labas,” ay mas mahalaga at may epekto sa buhay natin? Tuloy, kumakapit tayo sa kung ano ang “nasa labas” – iyong mga nakaugalian, nakasanayan, nakagawian – kahit hindi natin nauunawaang lubos bakit ginagawa at pinaniniwalaan natin ang mga ito.
Pinalalaya tayo ng Panginoong Hesukristo sa ating pagkahumaling sa mga “panlabas.” Inaanyayahan niya tayong silipin ang higit na mahalaga, higit na sapul sa buhay natin – iyong panloob na kalagayan ng puso! Kaya ang sabi niya ngayon: “Hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing pumapasok sa kanyang bibig, kundi dahil sa lumalabas dito.” Sige nga, ano ang nasa loob mo, iyong lumalabas sa iyo?
Habang nagsasalin ako ng isang website sa Tagalog para sa isang grupong Amerikano, natagpuan ko ang mensaheng ito na na-inspire ni San Sharbel, ang milagrosong santong Lebanese, at tiyak na makakatulong sa ating pang-unawa sa mensahe ng Panginoon sa atin sa linggong ito: “Anuman ang pumapasok sa iyo at tinatanggap mo ay hindi sa iyo at anuman ang lumalabas sa iyo at ipinamimigay mo ay sa iyo. Hindi ka sinusuri ng kung ano ang pumapasok kundi kung ano ang lumalabas sa iyo. Ang pumapasok sa iyo ay hindi sa iyo at ang lumalabas naman sa iyo ay iyo. Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na tinatanggap mo sa iyong mga panalangin, baguhin mo ang anumang pumapasok sa iyo, na hindi naman talaga sa iyo, tungo sa kabanalan na magniningning sa iyo at magbibigay sa iyo ng lahat ng bagay.”
MAGNILAY
Maraming nakapalibot sa atin, sa labas natin, na hindi laging mabuti ang epekto sa atin tulad ng: galit, negatibong pananaw, paghihiganti, katamaran, kalungkutan, atbp. Kapag pumasok sa puso ang mga ito, hilingin agad sa Espiritu Santo na dalisayin at baguhin ang mga ito at huwag tayong mahila sa buhay na kaawa-awa. Sa tulong butihing Diyos natin, ang magmumula sa atin ay iyon lamang puno ng kabutihan, pagmamahal, kagalingan, pagpapatawad, at papuri at pasasalamat sa Panginoon.