Home » Blog » SAINTS OF AUGUST: PAGKA-REYNA NG MAHAL NA BIRHENG MARIA

SAINTS OF AUGUST: PAGKA-REYNA NG MAHAL NA BIRHENG MARIA

AGOSTO 22

A. KUWENTO NG BUHAY

Noong Oktubre 11, 1954, ipinahayag ni Papa Pio XII ang isang mahalagang dokumento na tinawag niyang Ad Caeli Reginam.  Sa pahayag na ito, pinagtibay niya ang paglalagay sa kalendaryo ng pagdiriwang ng mga santo ang Kapistahan ng Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria.

Ang pistang ito ay isasagawa sa buong mundo taun-taon. Hiningi rin ng Santo Papa na sa ganitong kapistahan, sasariwain ng mga tao ang panalangin ng pagtatalaga ng buong sangkatauhan sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.

Kaugnay ang kapistahang ito ng naunang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birhen (Agosto 15).  Marapat lamang na pagkatapos ipagdiwang ang pagpasok sa langit ng Ina ng Diyos, gunitain din na siya ay nakatanggap ng gantimpala mula sa kanyang Anak, na humirang sa kanya bilang Reyna ng lahat ng bagay sa lupa at sa langit.

Tiyak na kailanman ay hindi pumasok sa isip ni Maria na siya ay isang reyna. Ang pagakakaunawa niya sa kanyang sarili ay bilang isang “alipin” ng Panginoon.  Itong kababaang-loob na ito ang isang katangian na nagdala ng awa at biyaya ng Diyos upang piliin siya na maging ina ng kanyang kaisa-isang Anak.

Pero sa kaisipan ng mga unang Kristiyano, si Maria ay marapat lamang na tawagin bilang Reyna. Sa  mga sinaunang larawan o icons ay makikita na katabi ni Jesus ang kanyang mahal na ina. Si Jesus ay isinasalarawan bilang hari ng buong sangnilikha o Pantocrator. Samantala, ang kanyang ina ay binibigyan ng karangalang angkop sa ina ng hari.

Sa mga panalangin natin, madalas nating tawagin si Maria na reyna, halimbawa sa Litanya ng Rosaryo. May mga awitin na isinulat upang parangalan si Maria bilang Reyna tulad ng klasikong Salve Regina (Hail, Holy Queen) at Ave Regina Caelorum (Hail, Queen of Heaven).  Tuwing panahon ng Pagkabuhay, dinadasal ang Regina Caeli Laetare (Queen of Heaven, Rejoice).

Sa lahat ng ito, dapat tandaan na ang pagiging reyna ni Maria ay espirituwal at bunga ng kanyang katangi-tanging ugnayan sa kanyang Anak na si Jesus. Hindi ito tungkol sa materyal na bagay o tungkol sa makamundong kaisipan ng kapangyarihan.

Minsan tuloy ay nagiging sobra na ang dekorasyon ng mga imahen ng Mahal na Birhen (mga mamahaling korona, magagarang damit at mga abubot) sa ating mga simbahan o personal na koleksyon na malayo na sa tunay na kasaysayan ni Maria sa Mabuting Balita. Ginagawa ito minsan ng mga tao upang maging mas marangya at mas sikat ang kanilang imahen kaysa ibang imahen ni Maria. Dapat ituwid at ayusin ang kaugaliang ito upang hindi magbigay ng maling akala sa maraming tao at hindi magpahamak sa dalisay na debosyon sa Mahal na Birheng Maria.

Sa panahon ngayon hindi na masyadong saklaw ng pag-iisip ng mga tao ang gampanin ng isang reyna, lalo na at wala namang reyna sa kasaysayan ng ating buong bansa, maliban sa mga reyna ng maliliit na tribu bago dumating ang mga Kastila, kung tinatawag at itinuturing man si Maria na reyna, ito ay sa “diwa ng kanyang pagiging Ina” ng ating Panginoon, at Ina nating mga sumasampalataya kay Jesus. Siya ay Reyna dahil siya ang Ina ng Hari ng mga Hari (cf Is (9:1-6).

Isang magandang pagninilay kay Maria ang naisulat ng theologian na si Scott Hahn sa kanyang aklat na Hail, Holy Queen. Dito si Maria ay ipinakita niya bilang “Queen-Mother” isang role na makikita maging sa turo ng Bibliya. Dahil dito, ang pagiging reyna ni Maria ay mas mauunawaan kaugnay ng Salita ng Diyos.

B. HAMON SA BUHAY

Ugaliin nating dasalin nang taimtim ang panalanging Hail, Holy Queen (Aba po, Santa Mariang Hari – bersyon sa Tagalog) na may tunay na pang-unawa sa mahalagang gampanin ni Maria sa buhay ng kanyang Anak. Matulad nawa tayo sa kababaang-loob at kabutihan ng kanyang puso.

K. KATAGA NG BUHAY

Lk 1:42

Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan.

(ang imahen sa post na ito ay mula sa isang simbahang Katoliko sa Siem Reap, Cambodia; ito ang kanilang paglalarawan sa Mahal na Birheng Maria bilang isang Cambodian)

From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos

2 Comments