Home » Blog » SAINTS OF AUGUST: Santo Domingo (Pari)

SAINTS OF AUGUST: Santo Domingo (Pari)

AGOSTO 8

A. KUWENTO NG BUHAY

Malaki ang naitulong ng mga ispirituwal na anak ni Santo Domingo sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa ating bansang Pilipinas. Nakalimbag sa kasaysayan ang mahahalagang gampanin na matapat na tinupad ng mga paring Dominikano para sa ikauunlad ng pananampalataya ng mga tao. Maging sa buong mundo, natatak sa puso at isip ng mga tao ang pagmamahal sa Diyos sa tulong ng mga Dominikanong pari, brother, at madre.

Ang mga bantog na simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City at sa Basilica Minor ng Birhen ng Rosaryo sa Manaoag, ang mahusay na Unibersidad ng Sto. Tomas sa Maynila, ang misyon sa mga isla ng Batanes at marami pang lugar—ito ay ilan lamang sa mga napasimulan at itinaguyod ayon sa diwa ng kabanalan at kasipagan ni Santo Domingo.

Nagmula sa Spain si Santo Domingo, na isinilang sa lugar na tinatawag na Calaruega, noong 1170. Ang retreat house ng mga Dominikanong pari sa may Batangas, makalampas ang Tagaytay City ay tinawag nilang Calaruega bilang paggunita sa pinagmulan ng kanilang magiting na santo.

Marangal na pamilya ang pinanggalingan ng ating santo. Nagsimula siyang mag-aral sa Palencia at pagkatapos, naging isa siyang canon (isang pari na kabilang sa komunidad at naglilingkod sa isang katedral) ng Osma.

Sinamahan ni Santo Domingo ang kanyang obispo sa paglilibot sa Denmark hanggang sa bahagi ng France. Dito namulat ang kanyang isip sa mga pinsalang dulot ng mga erehe (mga nagtuturo ng maling doktrina na lihis o labag sa tunay na aral ng simbahan). Nilabanan niya ang tinatawag na Albigensian heresy.

Dala ng malasakit, nagsimulang mangaral ang obispo at ang pari upang matuwid ang landas ang mga naapektuhan ng maling doktrina. Ipinakita rin ni Santo Domingo ang landas tungo sa Diyos sa pamamagitan ng mabuting halimbawa, bukod sa kanyang mga pangaral.

Upang lalong maging epektibo ang pagtuturo sa mga tao, binuo ni Santo Domingo ang isang bagong grupo na tinawag niyang Order of Preachers o mas kilala ngayon bilang mga Dominikano. Madaling kinilala ng simbahan ang kahalagahan ng grupong ito at binigyan ng natatanging misyon na mangaral sa mga tao.

Ang mga Dominikano, maging mga pari o mga brother, ay nabubuhay sa masugid na pag-aaral, pagiging kaisa ng isang komunidad, at pagdaralita. Mahalaga ito para sa kanilang layunin na magligtas ng mga kaluluwa. Mabilis kumalat ang misyon ng grupo sa iba’t ibang lugar sa Europa hanggang sa malalayong lugar kasama na ang Pilipinas. Ang unang obispo ng Maynila ay isang Dominikano, si Bishop Domingo de

Salazar. Kasama rin sa pamilya ng mga Dominikano ang mga kongregasyon ng mga madre na sumusunod sa inspirasyon ni Santo Domingo at ang mga laykong bumubuo naman ng kanilang Third Order.

Sinasabing naging magkaibigan si Santo Domingo at si San Francisco ng Asisi mula nang magkita ang dalawa sa lungsod ng Roma. Ikalawang pagdalaw noon ni Santo Domingo sa Roma upang ayusin ang pagkilala ng Santo Papa sa kanyang religious order. Ganoon din ang pakay ni San Francisco sa kanyang pagpunta sa Roma. At nagtagpo sila sa isang simbahan. Umusbong ang isang mabuting pakikipagkaibigan ng dalawang dakilang saksi sa simbahan.

Namatay sa pagkakasakit si Santo Domingo noong 1221 sa Bologna. Simbolo ni Santo Domingo ang isang aso na may kagat na sulong nagliliyab (burning torch) sa bibig nito. Nanggaling ito sa panaginip ng ina ng santo na ang kanyang anak ay tila isang aso na magdadala ng sulo ng liwanag ng Mabuting Balita sa buong mundo.

B. HAMON SA BUHAY

Maging masigasig tayo sa pagbibigay-halaga sa ating paniniwala at paninindigan bilang mga Kristiyano. Maging handa tayo na ipagtanggol ang ating pinaniniwalaan at maakay ang iba upang lalo nila itong maunawaan at mahalin. Sa salita man o sa halimbawa, maikalat nawa natin ang pag-ibig at liwanag ni Kristo sa ating kapaligiran tulad ni Santo Domingo.

K. KATAGA NG BUHAY

Sir 15: 5

Itatampok siya ng karunungan nang higit sa kanyang mga kaibigan at magagawa niyang magsalita sa buong kapulungan.

From the book “Isang Sulyap sa Mga Santo” by Fr. RMarcos

1 Comments