SAINTS OF AUGUST: SAN BERNARDO, ABAD AT PANTAS NG SIMBAHAN
AGOSTO 20
A. KUWENTO NG BUHAY
Lubhang mabunga ang naging buhay ni San Bernardo. Isa siyang mangangaral, abad (pinuno ng isang pamayanan ng mga monghe), at pantas ng simbahan. Hanggang ngayon ay kaakibat ng kanyang pangalan ang taguring “ilaw” bilang isang magandang paglalarawan ng kanyang buhay at impluwensya lalo na noong 12th century sa Europa.
Maykaya ang pamilyang kinabibilangan ni San Bernardo. Ipinanganak siya noong 1090 sa Burgundy, isang bahagi ng France. Ang pamilya ni San Bernardo ay hitik ng bunga ng kabanalan. Halos lahat ng miyembro ng pamilya niya ay kinilala bilang mga banal. Maganda ng pagpapalaki ng mga magulang ni San Bernardo sa kanilang mga anak na nagbunga ng malalim na pananampalataya at pagnanasang mag-alay ng buhay sa Diyos.
May aklat na isinulat tungkol sa kanilang pamilya na ang pamagat ay “The Family that Overtook Christ”. Ang aklat na ito ay isa sa mga paborito ng dakilang Pilipinong kardinal at bayani ng bayan na si Jaime Cardinal Sin ng Maynila. Lagi niyang ikinukuwento na ito ang aklat na lagi niyang binabasa sa kanyang silid-tulugan.
Ang ama ni San Bernardo ay si Venerable Tescelin (and “venerable” ay titulo ng isang nakahanay sa mga magiging santo). Ang ina naman niya ay si Blessed Alice (ang “blessed” o “beato” ay isang hakbang na lamang tungo sa ganap na proklamasyon bilang santo.
Ang mga kapatid ni San Bernardo ay pawang mga beato: Blessed Guy, Blessed Giles, Blessed Humbeline (babae), Blessed Andrew, Blessed Bartholomew (kasama ang asawa niyang si Blessed Elizabeth at ang anak na si Blessed Adeline,) at ang bunso ng pamilya na si Blessed Nivard.
Bandang 22 taong gulang siya nang pumasok siya sa monasteryo ng mga Cistercians sa Citeaux noong 1111. Dahil sa kanyang impluwensya, kasabay niyang pumasok dito ang 30 pang kamag-anak at mga kaibigan niya.
Ang mga Cistercian monks ay tinatawag din na Trappists. Sa Pilipinas ay sikat ang Trappist monastery sa Guimaras Island, malapit sa Iloilo. Pinupuntahan ito bilang lugar upang manalangin at manahimik. Ang mga produktong pagkain ng mga monghe dito ay may mataas na quality at hinahangaan sa buong bansa.
Ang pagpasok ni San Bernardo sa monasteryo ng Citeaux ang naging simula ng pagpapanibago ng diwa ng lugar na iyon. Dahil dito, pagkaraan lamang ng maikling panahon, hinirang siya bilang abad o pinuno ng mga monghe sa monasteryo ng Clairvaux, na itinatag mula sa pundasyon ng Citeaux.
Lumago sa kabanalan ang monasteryo ng Clairvaux. Ito ay dahil na rin sa pamumuno ni San Bernardo na nakita sa kabutihan ng kanyang buhay at pagiging mabuting halimbawa sa kanyang mga kasama.
Hindi lamang sa monasteryo nakilala at kumilos si San Bernardo. Nilibot niya ang Europa upang mangaral laban sa pagkakahati-hati ng simbahan at upang magdala ng kapayapaan at pagkakaisa. Nangaral siya upang simulan ang Second Crusade (kilusan ng mga kristiyano sa Europa na bawiin ang mga banal na lugar sa Israel mula sa kamay ng mga Muslim).
Nagtatag siya ng marami pang mga monasteryo sa ibat ibang bansa. Nagsulat siya ng maraming pagninilay niya tungkol sa theology at spirituality. Matindi ang kanyang pagmamahal sa Panginoong Jesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Kahanga-hanga din ang kanyang pagmamahal sa Mahal na Birhen. Mababasa pa hanggang ngayon ang mga isinulat ni San Bernardo. Dahil sa kanyang mga aral, ipinahayg siya bilang isang Pantas ng simbahan noong 1830.
Namatay noong Agosto 20, 1153 sa Clairvaux si San Bernardo matapos ang isang buhay na hitik sa bunga para sa kapakanan ng lahat ng miyembro ng simbahan. Tunay na isang liwanag siya hindi lamang para sa monasteryo kundi para sa buong mundo.
B. HAMON SA BUHAY
Sa buhay ni San Bernardo, makikita ang kahulugan ng isang monasteryo. Hindi ito para sa personal na kabanalan lamang ng mga monghe o mongha na nabubuhay doon. Sa halip, ang kanilang pagdarasal, pagninilay at pagsasakripisyo ay nakatuon lamang sa iisang layunin – na makatulong sa buong daigdig upang makilala si Kristo. Ipagdasal nating dumami pa ang mga pumapasok sa ganitong uri ng buhay.
K. KATAGA NG BUHAY
Sir 15: 4
Siya’y magtitiwala sa karunungan at di mag-aatubili; siya’y sasandig sa karunungan at di mabubuwal
From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos