Home » Blog » SAINTS OF AUGUST: SAN LORENZO, DIYAKONO AT MARTIR

SAINTS OF AUGUST: SAN LORENZO, DIYAKONO AT MARTIR

AGOSTO 10

A. KUWENTO NG BUHAY

Halos bukambibig ng mga Kristiyano ang pagmamahal at pagkalinga sa mga mahihirap.  Subalit madalas din na hanggang salita lamang ang pagpapahalaga na ito.  Totoo ba na tayo ay mapagkalinga sa ating kapwa lalo na sa mga dukha sa ating paligid at sa ating lipunan?

Si San Lorenzo ay naging tanyag bilang isang martir.  Subalit kilala rin siya sa kaniyang dalisay na pagmamahal sa mga mahihirap.

Walang masyadong kasaysayan tungkol sa simula ng buhay ni San Lorenzo na nakarating sa atin.  Ang tanging alam natin ay isa siyang Espanyol. Mula sa Toledo, siya ay inatasan ng Santo Papa na pumunta sa Roma at maglingkod doon bilang isang diyakono.

Si Papa Santo Sixto II (Agosto 7) ang humirang sa kanya bilang isang diyakono kahit na noon ay bata pa si San Lorenzo.  Pagkatapos ay itinalaga siya bilang isa sa pitong diyakono ng simbahan ng Roma. Trabaho niya bilang diyakono ang tiyakin na hindi mapapabayaan ang mga dukha ng lungsod.

Sumunod siya sa kamatayan ni Papa Santo Sixto at mga kasama nitong apat na diyakono. Apat na araw pagkatapos ang kamatayan ng Santo Papa, si Lorenzo naman ang nagbuwis ng buhay bilang isang martir.

Ayon sa salaysay, ipinatawag siya ng Prefect ng Roma upang isuko niya ang lahat ng kayamanan ng simbahan sa imperyo. Sa halip na gawin ito, ipinamudmod ni San Lorenzo ang kayamanan sa mga mahihirap ng lungsod.  Ipinakita niya sa kanila ang mga mahihirap na tao at sinabi niyang sila ang tunay na yaman ng simbahan.

Dahil sa poot ng kanyang mga kaaway, si San Lorenzo ay namatay sa kakaibang paraan, hindi sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo. Siya ay inihaw habang siya ay buhay pa upang unti-unti niyang maranasan ang sakit at hirap.  Isa sa mga kuwento tungkol sa tagpong ito ay ang linaw ng isip at pati sense of humor ng santo habang siya ay nililitson ng kanyang mga kaaway.

Hiniling daw ni San Lorenzo sa mga sundalo na ibaling ang kanyang katawan sa kabilang bahagi dahil luto na ang isang bahagi na nakatapat sa apoy.  Dito makikita ang tapang at tatag ng loob ng diyakonong santo.

Namatay siya noong taong 258. Isang malaking basilica sa Roma ang nakapangalan sa kanya at madaling kumalat ang debosyon sa kanya sa buong simbahan.

B. HAMON SA BUHAY

Napakagandang balikan kung paano tayo araw-araw inaalagaan at tinutulungan ng Diyos.  Dahil dito dapat din tayong maging bukas-palad sa mga kapus-palad sa ating paligid. Magpakita sa araw na ito ng isang kilos na magbibigay tuwa sa isang mahirap na tao.

K. KATAGA NG BUHAY

Jn 12: 26

Patuloy akong sundan ng naglilingkod sa akin at kung nasaan ako, naroon din ang aking lingkod. Kung may naglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.

1 Comments