SAINTS OF AUGUST: SAN MAXIMILIANO MARIA KOLBE, PARI AT MARTIR
AGOSTO 14
A. KUWENTO NG BUHAY
Tulad ni Santa Teresa Benedcita dela Cruz (Agosto 9), nagningning ang liwanag ni San Maximiliano Maria Kolbe sa panahon ng mga Nazi noong Second World War. Kaya malapit sa ating panahon ang kasaysayan ng banal na taong ito na nagsilbing inspirasyon sa maraming mga tao.
Isinilang sa Zdunska Wola, isang maliit na bayan sa Poland, at bininyagan na may pangalang Ramon noong 1894 ang magiging martir. Mula sa kanyang kabataan, naging malapit ang kanyang puso sa Diyos dala na rin ng pagiging mabuting Kristiyano ng kanyang pamilya.
Pumasok siya sa seminaryo at naging isang Franciscan Conventual, kung saan pinalitan ng Maximiliano ang kanyang pangalan. Pinag-aral siya ng Philosophy at Theology sa lungsod ng Roma. Natamo niya ang doctorate sa Theology. Pagkatapos ng kanyang pag-aaral, doon din siya naging isang ganap na pari.
Malaking bahagi ng buhay espirituwal ni San Maximilano ang kanyang matinding debosyon sa Mahal na Birhen. Hindi pa siya ganap na pari, ay itinatag na niya ang isang kilusan sa karangalan ng Mahal na Birhen. Tinawag niya itong Milita of the Immaculata.
Matagumpay ang kilusang ito sa paghikayat ng maraming mga kasapi. Bawat kasapi ay itinuturing na “kawal” ng Mahal na Birhen. May printing press na naglalathala ng mga magazine tungkol sa debosyon.
Naging sobrang laki ng komunidad ng Militia of the Immaculata na tinawag ito ni San Maximiliano na “city of the Immaculate.” Halos 800 ang miyembro ng pamayanan, ang pinakamalaki sa buong mundo.
Nakarating sa Asya si San Maximiliano noong ipadala siya sa misyon nila sa Japan. Nagtrabaho din siya sa misyon sa India. Sinasabi na sa kanyang paglalakbay sa Asya ay minsang napadaan siya sa Pilipinas at nagkaroong ng pagkakataong mapagmasdan ang pagiging malapit ng mga Pilipino sa Mahal na Birhen.
Nang umuwi siya sa Poland dahil sa mahinang kalusugan, patuloy niyang itinaguyod ang kanyang debosyon kay Maria. Nang dumating sa kapangyarihan ang mga Nazi, natigil ang kanyang gawain dahil binawi ng mga Nazi ang kanilang mga kumbento at itinapon si San Maximiliano sa loob ng bilangguan.
Kasama ng maraming bilanggo, dinala sa concentration camp sa Auschwitz si San Maximiliano. Doon ay naranasan niya ang araw-araw na pahirap sa mga Hudyo at sa mga iba pang pinaghinalaang kaaway ng mga Nazi.
May tumakas na isang bilanggo at dahil sa galit ng mga sundalo ay nagpasya na siyam na bilanggo ang papatayin bilang kapalit nito. May isang lalaki na nagsimulang umiyak at magmakaawa na siya ay isang asawa at ama ng pamilya.
Buong tapang na lumapit si San Maximiliano sa lider ng mga sundalo at nag-volunteer na siya na lamang ang papalit sa taong may asawa. Pinagbigyan siya. Pinahirapan nang husto ang siyam na bilanggo. Si San Maximiliano ay ikinulong nang dalawang linggo na walang pagkain o inumin. Siya ang huling namatay sa kanilang lahat noong Agosto 14, 1941. Sinunog ang kanyang katawan at ang katawan ng kanyang mga kasama.
Ang kanyang kababayan na si Santo Papa Juan Pablo II ang nag-deklara ng pagiging santo ni San Maximiliano noong 1982.
B. HAMON SA BUHAY
Kitang-kita natin si Jesus sa buhay ng ating santo. Kung paano, ibinigay ng Panginoon lahat-lahat para sa atin, gayundin naman inialay ni San Maximiliano ang kanyang kalayaan at buhay para iligtas ang kanyang kapwa-tao. mahirap tularan ito, pero unti-unti nating subukan na maging mabuti at bukas-palad sa ating kapwa.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 25: 34
Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig.
From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos
1 Comments