Home » Blog » SAINTS OF AUGUST: SANTA CLARA, DALAGA

SAINTS OF AUGUST: SANTA CLARA, DALAGA

AGOSTO 11

A. KUWENTO NG BUHAY                                    

Isang magandang paglalarawan kay Santa Clara ng Asisi ang mapapanood sa pelikulang “Brother Sun, Sister Moon.” Dito ipinakikita ang kagandahan, kabutihan at kadalisayan ng santa.  Ngunit marami pang bagay na dapat nating maunawaan sa kanyang pagkatao maliban sa mga larawang romantiko at sentimental lamang. Hindi lamang siya isang babaeng naging taga-sunod ni San Francisco ng Asisi. Isa rin siyang matapang na babae na handang dumaan sa maraming pagsubok sa buhay.

Magkababayan sina San Francisco at Santa Clara. Ipinanganak si Santa Clara sa Asisi noong taong 1193.  Isang pamilyang aristokratiko o mayaman ang pinagmulan ng santa. 

Dahil naging kilala si San Francisco sa kanyang radikal ng pagsasabuhay ng karukhaan ng Panginoong Jesukristo, marami ang humanga sa kanyang personal na halimbawa. Isa na dito si Santa Clara. Ilang beses niyang nakatagpo si San Francisco noong kanyang kabataan at tumatak sa kanyang puso ang paghanga sa santo.

Nagkaroon siya ng pagnanais na maging tulad ni San Francisco sa pagsunod sa Panginoon. Nang malaman ito ng kanyang pamilya, dinanas niya ang matinding pagsalungat. Tutol ang kanyang mga magulang sa desisyon na ito.

Kaya tumakas si Santa Clara noong 1212 upang sundan si San Francisco at ang mga kasamahan nito sa labas ng Asisi, sa lugar na tinatawag na Portiuncula. Doon, nakipamuhay siya sa nagsisimulang pamayanan ng mga Franciscans.  Ginupit ni San Francisco ang buhok ni Santa Clara bilang tanda ng kanyang pagtalikod sa mundo at binigyan ng simpleng kasuotan o abito na tanda ng kanyang pagsasakripisyo. Dinala niya muna si Santa Clara sa monasteryo ng mga madreng Benedictine upang manirahan doon.

Unti-unting dumami ang mga iba pang babae na nagnais isabuhay ang mga aral ni San Francisco. Pati ang batang kapatid ni Santa Clara na si Agnes ay sumunod na nag-alay ng kanyang sarili. Maraming mga anak ng mayayamang pamilya ang pumasok sa buhay Franciscan, kasama na rin dito, noong bandang huli, ang mismong ina ni Santa Clara.

Ibinukod ni San Francisco ang lumalaking komunidad ng mga babae sa isang kumbento sa tabi ng simbahan ng San Damiano. Si Santa Clara ang hinirang na maging pinuno nila doon.  Kinikilalang tagapagtatag ng sangay na pambabae ng mga Franciscan si Santa Clara.

Lumago nga ang nasimulan ni San Francisco. Nagkaroon ito ng 3 sangay. Ang sangay para sa mga lalaki ay tinatawag na first order (na nahahati ngayon sa iba’t-ibang grupo; tingnan sa kasaysayan ni San Lorenzo ng Brindisi). Ang pambabae naman ay ang second order na pinamunuan ni Santa Clara. At ang ikatlo ay Secular Franciscans, na para naman sa mga ordinaryong Kristiyano na nais magsabuhay ng espirituwalidad ng mga Franciscan sa gitna ng kanilang mga buhay-pamilya at mga karaniwang gawain sa buhay.

Namuhay si Santa Clara sa diwa ng pagiging payak o mahirap, banal at mapagmahal sa Diyos at sa kapwa. Sa gitna ng maraming sakripisyo at karamdaman, itinaguyod niya ang pamayanan ng mga mongha na mas kilala ngayon sa tawag na Poor Clares.

Ngayon maraming kumbento ng mga Poor Clares sa Pilipinas kung saan nagpupunta ang mga tao upang humingi ng panalangin ng mga mongha.  Isa sa pinakasikat ang monasteryo sa Katipunan, Quezon City.   Tradisyon na magdala ng itlog bilang handog sa mga mongha, na kailangan ang sustansya ng katawan dahil sila ay nagpupuyat araw-araw sa panalangin.

Namatay si Santa Clara noong 1253, matapos ang higit 40 taon na pamumuno sa monasteryo.  Sa Obando, Bulacan, maraming mga mag-asawa ang humihingi ng panalangin ni Santa Clara upang magkaroon ng anak, isang tradisyong ginagawa tuwing kapistahan ng bayan ng Obando sa Mayo.

Mapalad akong makilala at makasama sa pagdarasal at pagsa-sakripisyo ng mga monghang Poor Clares na si Mother Presentacion (+) mula sa monasteryo ng Cabuyao, Laguna at si Mother Jeronima, mula sa monasteryo ng Sariaya, Quezon.

B. HAMON SA BUHAY

Sa kabila ng kabataan at pagtutol ng pamilya, ipinaglaban ni Santa Clara ang pagmamahal niya sa Diyos at sa mga dukha sa pamamagitan ng pagpasok sa buhay sa monasteryo. Ipagdasal natin ang mga katulad niyang pinili ang landas ng panalangin at sakripisyo bilang bokasyon ng kanilang buhay. Sana dumami pa ang mga tutugon sa Diyos sa napakadakilang buhay na ito.

K. KATAGA NG BUHAY

Fil 3: 8-14

Itinuring kong walang kabuluhan ang lahat ng iba pa kung ihahambing sa kaalaman kay Kristo Jesus na aking Panginoon. siya ang nagpabale-wala sa lahat at itinuring kong basura ang lahat, makamtan ko lamang si Kristo.

1 Comments