Home » Blog » IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

KAPAG KULANG ANG PANG-UNAWA KO

MK 9: 30-37

MENSAHE

Panginoong Hesus, tulad ng mga alagad mo, hindi ko di po nauunawaan lahat ng sinasabi mo sa akin, maging sa Bibliya, sa simbahan o sa tradisyon ng pananampalataya. Nahahagip ko yung iba, lumalampas naman sa akin ang karamihan. Nakakainggit iyong mga nagsasabing lubos ka nilang naiintindihan, at masusi ka nilang nasusundan.

Tulad ng mga alagad, takot din naman akong magtanong. Baka isipin ng mga tao ako ay mangmang; baka sabihin nilang ako’y nag-aalinlangan; baka paghinalaan nilang kulang ako sa pananampalataya. Tulad ng mga alagad, lihim akong nagtatanong sa aking sarili. Bakit ng aba hindi kita lubos na maintindihan, at dahil doon, hindi lubos na masundan at matularan? Iyong konti kong alam, hindi ko pa maisabuhay. Iyong salita mong narinig ko, madaling malimutan sa gitna ng labanan ng buhay.

Mabuti na lang po at itinuturing mo ako tulad ng iyong mga alagad. Hindi mo ako pinagagalitan o pinagtatawanan o itinatakwil sa iyong harapan dahil ako ay mabagal umunawa, mahinang makarinig, at naaantalang kumilos. Ikaw ang nagkukusa na lapitan ako at pakibagayan, nakikilakbay ka sa akin batay sa sarili kong bilis, kakayahan, at abilidad na tumugon sa iyong mga salita.

Sa Mabuting Balita, sa halip na pagalitan ang mga alagad, inanyayahan mo silang masdan ang isang bata. Inaanyayahan mo din akong humugot ng inspirasyon sa bata na salamin ng maraming pagkukulang – kulang sa pang-intindi, sa pagkahinog, sa pagiging perpekto. Ipinakikita mo sa akin ang pasensya at tiyaga mo. Minamahal at ginagabayan mo ako tulad ng isang nag-aalaga at umaakay sa isang maliit na bata.

MAGNILAY

Huwag matakot aminin ang kakulangan mo… huwag ikahiya na hindi mo pa kayang sundan si Kristo nang perpekto. Kung hindi mo pa malimutan ang nakaraan mo o maiwaglita ng mga kapalpakan at kahinaan mo nang lubusan, kung hindi mo pa maisabuhay nang ganap ang pagiging Kristiyano, tandaan lang na sa mata ng Diyos, ikaw ay tulad ng isang anak na nangangailangan ng pasensya, gabay, unawa. Manalig sa kanyang pagmamahal; hingin ang tulong niya tuwina.