IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
HUWAD LABAN SA TUNAY?
MK. 9: 38-43, 45, 47-48
MENSAHE
Matapos dumalaw sa isang lamay sa funeral chapel, nakasabay ko ang isang lalaki sa elevator na nag-abot ng kanyang calling card. Ito pala ay “pari” na nag-aalok ng serbisyo sa punerarya. Sa halip na ma-eskandalo, napaisip ako bakit maraming nabibitag ang mga “huwad/ pekeng” pari sa ating mga Katoliko. Maraming naturang “tunay” na mga pari ang galit sa ganitong kumpetisyon. Subalit magandang tanungin ang sarili: Bakit pumapatol ang mga tao sa “huwad” o “peke” kaysa mga “tunay?” Iba-ba ang sagot: Maraming “tunay” ang walang panahong makiramay sa mga parishioner na namatayan; ayaw nilang puntahan ang lugar kapag ma-trapik, malayo o maliita ang abuloy; ang tingin nila hindi nila pananagutang makiramay – hintayin na lang silang dumating sa simbahan sa araw ng libing!
Ngayon madalas banggitin ang salitang ingklusyon. Hindi ito bago kay Hesus dahil matagal na niyang isinabuhay ang pananaw na ito. Sa Mabuting Balita hindi mapanatag ang mga alagad dahil tila may gumagaya sa paglilingkod nila kay Kristo; gumagawa ng bagay na para sa kanila ay dapat eksklusibo sa kanila lamang. Agad silang nagselos, nagsuspetsa, naging makitid ang utak.
Kaya nanghimasok na ang Panginoong Hesus. Ipinakita niya ang kanyang malawak na pananaw sa paglilingkod. May mga taong hindi natin katulad subalit hindi sila agad-agad katunggali. Ang mga “iba” sa kanila ay itinuring ng mga alagad na mga impostor subalit kay Hesus maaaring ang mga ito ay may magandang layunin din naman. Sa halip na maging palaban sa kanila, dapat ang mga alagad na naniniwalang sila ay “tunay” ang nauna munang magnilay at magsaliksik sa sarili.
Hinihimok tayo ng Mabuting Balita ngayon na suriin ang sarili. Kung nababagabag tayo o nagagambala tayo ng ibang tao na wari natin ay “huwad” o “peke” na Kristiyano, bakit hindi natin muna silipin ang sariling kilos at buhay, kung tayo naman ba ay “tunay” na tagsunod nga ng Panginoon. Baka may bahagi tayo sa paglaganap ng mga peke dahil kapag naghanap ng tunay ang mga tao, wala silang makita o masumpungan.
MAGNILAY
Madali ka bang mangamba dahil sa kilos o gawa ng “iba?” Madali mo bang ituring sila na impostor at ikaw ang mas magaling at nakatataas? Sa halip na manghusga, baka mainam na magnilay ka kung paano mo matapat at masigasig na sinasalamin si Kristo sa kapwa mo.