LITANYA NG KALINISAN/ KADALISAYAN
Panginoon, maawa Ka. Kristo maawa Ka.
Panginoon, maawa Ka, Kristo pakinggan Mo ako. Kristo, pakapakinggan Mo ako.
Diyos Ama sa langit, maawa Ka.
Diyos Anak, Manunubos ng daigdig, maawa Ka.
Diyos Espiritu Santo, maawa Ka.
Maria, Lubhang Dalisay, ipanalangin mo ako.
Jose, Lubhang Malinis, ipanalangin mo ako.
Jesus, Maalab na Apoy ng Pag-ibig, hilumin at panumbalikin ako.
Tugon: Ipag-adya mo ako, O Hesus ko.
Mula sa kasinungalingang hindi ako mabuti…
Mula sa kasinungalingang hindi ako ninanais…
Mula sa kasinungalingang hindi ako pinili…
Mula sa kasinungalingang ako lamang ang may pananagutan sa aking paghilom at kalayaan…
Mula sa kasinungalingang ako lamang ang may pananagutan sa aking kabanalan…
Mula sa kasinungalingang nag-iisa ako sa laban para sa kadalisayan…
Mula sa kasinungalingang hindi ako pinatawad…
Mula sa tuksong kumapit sa iba upang punuan ang aking puso…
Mula sa tuksong magpasasa sa sarili at sa kahalayan ng mata…
Mula sa tuksong lumayo at magtago sa iyong mapagmahal na paningin…
Mula sa tuksong gamitin at kasangkapanin ang kapwa…
Mula sa paghihimutok laban sa plano ng Ama para sa kasarian…
Mula sa paghihimutok laban sa sarili kong katawan…
Mula sa pagtanggi sa kaloob sa akin na pagkalalaki/ pagkababae…
Mula sa lahat ng uri ng karahasan laban sa dangal ko at dangal ng kapwa ko…
Mula sa tinik ng mga dati kong pagkakamali na napatawad na…
Tugon: Tulungan mo ako, O Hesus ko.
Nang maitatwa ko ang mga pang-aakit sa kasalanang sekswal at lahat ng tukso laban sa kalinisan…
Nang malabanan ko ang anumang kahihiyan na magsasara ng puso ko sa Iyo…
Nang maniwala akong ang damdaming sekswal ay likas na mabuti at isang kaloob mula sa Iyo…
Nang mayakap ko ang tawag sa tunay na pagmamahal at lahat ng mga hinihingi nito…
Nang mayakap ko at pangalagaan ang tunay na pagmamahal at buhay sa bawat pagkakaloob ng aking sarili…
Nang mayakap ko ang mga galak at krus ng kasalukuyang katayuan ng aking buhay…
Nang hanapin kong maging tapat na kaloob sa lahat ng makakasalamuha ko…
Nang madala ko ang lahat ng aking mga pakikibaka sa kalinisan sa paanan ng krus…
Nang mas higit kong tanggapin at yakapin ang kaloob ng aking pagkalalaki/ pagkababae…
Nang magkaroon ako ng lakas ng loob na ipagtanggol ang dangal ng aking kapwa at magsalita ng katotohanan sa kanila…
Nang magkaroon ako ng dalisay na paningin sa sarili ko at sa iba tulad ng pagtingin Mo sa amin…
Nang magkaraoon ako ng biyaya ng pagkamangha sa kaloob ng Iyong sangnilikha…
Nang magtiwala ako sa Iyong kabutihan at sa Iyong plano para sa aking buhay…
Nang kilalanin at tanggapin kong Ikaw lamang ang makapupuno sa pinakamalalim na pagnanasa ng aking puso…
Pangwakas na Panalangin:
Panginoong Hesukristo, ipinangako mong madaling dalhin ang Iyong pamatok at magaan ang Iyong pasanin. Tulungan mo akong yakapin ang samo Mo sa magmahal tulad Mo at sa gayon, maranasan ang kalayaan ng pagiging anak ng Diyos. Hinihiling ko po ito sa tulong ng panalangin ng Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria at sa Dalisay na Puso ni San Jose. Amen.
(Sariling salin mula sa Echo Community; para sa pansariling gamit lamang at walang kaugnay na kalakalan.)