SAINTS OF OCTOBER: MGA BANAL NA ANGHEL NA TAGATANOD/ GUARDIAN ANGELS

OKTUBRE 2       A. KUWENTO NG BUHAY   Kung naparangalan natin ang mga Arkanghel noong Setyembre 29, ngayon naman ang binibigyang-pansin natin ay ang mga Anghel na Tagatanod o Guardian Angelsnatin.    Kung ang mga Arkanghel ay ipinadala ng Diyos upang magbalita ng mahahalagang mensahe tungkol sa kaligtasan ng mga tao, ang mga Guardian Angels ay ipinadadala ng Diyos upang alagaan at gabayan ang bawat isa sa atin sa daigdig na ito.  May Guardian Angels din ang mga kaharian, bansa at mga grupo ng tao, ayon sa paniniwala ng simbahan.   Nasa Bibliya ang patunay na nagsusugo ang Panginoon ng mga anghel upang maging tagatanod nating lahat. Makikita ang mga sipi sa parehong Luma at Bagong Tipan ng Banal na Kasulatan:   Mula sa Lumang Tipan – Exodus 23: 20-23: Tingnan mo, nagsusugo ako ng Anghel na mauuna sa iyo, para pangalagaan ka sa daan at ihatid ka sa lugar na aking inihanda.   Mula sa Bagong Tipan – Mateo 18:10: Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa mga maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa langit ang kanilang mga anghel sa Langit.   May importanteng kahulugan ito para sa atin. Una, tunay na mahalaga tayo sa Diyos na nagtatalaga siya ng isang anghel para sa bawat tao. Ganyan tayo kamahal ng Diyos na ninanais niyang bantayan tayo ng kanyang mga anghel na tagatanod upang lagi tayong maging ligtas at panatag sa buhay. Para ba itong kuwento ng isang ama na umupa ng bodyguard para sa kanyang anak upang makasiguro sa kaligtasan nito. Ispesyal tayo sa mata ng ating Ama sa langit.   Ikalawa, nagpapakita ito ng kadakilaan o kaluwalhatian ng Diyos. Ang mga anghel ay hindi naghahanap ng atensyon natin.  Ang nais lamang ng mga anghel ay ipadama sa atin ang kabutihan at pagmamahal ng Diyos at bunga nito, matuon ang ating isip at puso sa Diyos mismo na dapat nating pasalamatan at paglingkuran sa lahat ng sandali. Kapag naging mulat tayo sa presenya ng ating anghel, nagiging bukas din tayo sa presensya ng Diyos sa ating buhay.   Hindi tamang debosyon sa mga anghel na maglaan tayo ng sobra-sobrang atensyon sa kanila, na tila sila na ang sentro ng ating pamimintuho. Hindi rin tama na parangalan ang mga anghel na hiwalay sa pagsamba natin sa Diyos mismo.   Mapapansin natin na sa mga unang pagsasalarawan sa mga anghel, lagi silang makikitang nagdarasal, umaawit o naglilingkod sa harap ng Panginoon o ng Mahal na Birhen, upang ipakita ang kanilang pagiging kaugnay lagi ng kalooban ng Diyos.  Maraming bagong larawan o imahen ng mga anghel na walang kinalaman sa Diyos at hiwalay sa misteryo na kanilang ipinahahayag sa atin. Maging ang New Age movementay may sariling turo tungkol sa mga anghel na malayo sa aral ng Bibliya at sa turo ng simbahan. Lagi itong paalala dati ng yumaong Fr. Albert Meerschaert, CICM, na propesor at spiritual director sa seminaryo.   Pero kahit na hindi dapat maging sentro o maging sobra ang atensyon sa mga anghel, kailangan din nating kaibiganin at mahalin sila. Isang paraan ay ang pakikipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng panalangin. Hindi ito gawain para lamang sa mga bata. Ang dasal tulad halimbawa ng sikat na “Angelof God” ay para sa ating lahat upang hingin ang proteksyon maging umaga o gabi man, maging sa paglalakbay o sa pananatili lamang sa bahay, maging may problema man o wala.   Ang mga apostol ay nakaranas ng paulit-ulit na pagtulong ng mga anghel at makapagpapatunay ng kanilang pagtatanggol at kapangyarihan laban sa panganib. Makikita ito sa Mga Gawa 5: 17-20, 12: 7, 10: 3-5. Binabanggit din ito sa Hebreo 1: 14.     B. HAMON SA BUHAY   Paano kaya kung muli nating buhayin ang debosyon natin sa ating Guardian Angel? Simulan nating muli na dasalin ang maikli at simple, subalit paboritong panalangin na Angel of God araw-araw. Naalala ko tuloy ang kaisa-isang pamilya na nakita kong nag-aalaga ng imahen ng Guardian Angel na ipinapahiram sa simbahan taun-taon – ang pamilya nina Bro. Peping at Sis. Bella Mabanta na aking mga mabubuting kaibigan.     K. KATAGA NG BUHAY   Exo 23: 20-23   Tingnan mo, nagsusugo ako ng Anghel na mauuna sa iyo, para pangalagaan ka sa daan at ihatid ka sa lugar na aking inihanda.       Share on FacebookTweet Total Views: 922