Home » Blog » SAINTS OF SEPTEMBER: APOSTOL SAN MATEO, MANUNULAT NG MABUTING BALITA

SAINTS OF SEPTEMBER: APOSTOL SAN MATEO, MANUNULAT NG MABUTING BALITA

SETYEMBRE 21

A. KUWENTO NG BUHAY

Sa pagbabasa natin ng Bibliya, hindi maaaring malampasan ang Mabuting Balita ni San Mateo. Paano ba naman, ito ang unang tatambad sa atin sa pagbuklat pa lamang ng Bagong Tipan.  Dito pa lamang, makikita na natin ang kahalagahan na ibinigay ng mga unang Kristiyano sa aklat na isinulat diumano ng mabunying apostol.

Ang ebanghelyong (o Mabuting Balita) ito ang una sa pagkaka-ayos (ang una sa pagkakasulat ay ang ebanghelyo ayon kay San Marcos) ng apat na mga ebanghelyo sa ating Bibliya ngayon. Madali din mapansin na ito ang pinakamahaba (28 kabanata) sa apat na matatagpuan sa Bibliya.

Sino ba si San Mateo na siyang sinasabing may-akda ng Mabuting Balita? Ano ang karapatan niyang magsulat ng makapangyarihang kasaysayan ng buhay ng Panginoong Jesus?  Ano ano ang mensahe niya sa atin?

Si San Mateo ay isa sa labindalawang apostol ng Panginoong Jesukristo, ayon na rin sa iba’t-ibang paglalahad ng Mabuting Balita. (tingnan din ang Mk 3:18; Lk 6:15).  Maaaring nagmula siya sa Galilea. Tinatawag din siyang Levi sa ibang salaysay (“Levi na anak ni Alfeo” – Mk. 2: 13-14).

Ang hanapbuhay ni San Mateo ay bilang isang tagasingil ng buwis ng mga tao para sa mga Romano (Mk 2: 13-14). Minsan sa kanyang pangongolekta ng buwis, dumaan si Jesus at tinawag siya upang sumunod sa kanya at iniwan niya ang lahat upang maging tagasunod ng Panginoon (Lk 5: 27).

Sa kanyang ebanghelyo, inalala ni Mateo ang pagkakatawag sa kanya ng Panginoon (Mt. 9:9). Pagkatapos siyang tawagin ni Hesus, kumain pa ito sa kanyang tahanan kasama ang mga taong itinuturing na mga makasalanan sa lipunan.

Pinaniniwalaan na si apostol San Mateo ang sumulat ng Mabuting Balit- na nakapangalan sa kanya ngayon. Ang karamihan sa mga unang tagabasa ng salaysay na ito ay mga Judio na bumubuo sa mga unang pamayanang Kristiyano. Kaya nga, may diin ang pagbibigay-halaga kay Jesus bilang Mesiyas na hinihintay ng mga Judio.

Si Jesus ay ipinakikilala din sa mga tao bilang ang bagong Moises, ang magdadala sa mga tao sa kaganapan (Mt 5:48). Ang simbolo ng ebanghelyo ni San Mateo ay isang tao o isang anghel dahil sa nagsisimula ang buong aklat sa mahabang listahan ng mga ninuno ng Panginoong Hesukristo.

Ayon sa tradisyon, pagkatapos ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoong Jesukristo, si San Mateo ay nagtungo sa Persia upang ipangaral ang Mabuting Balita. Nakarating din siya, ayon sa tradisyon, sa Ethiopia, kung saan siya ay namatay. Maraming naniniwala na ang mga relic ni San Mateo ay dinala pagkatapos sa Salermo, sa Italy.

B. HAMON SA BUHAY

Basahin natin kahit konting bahagi ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo sa araw na ito upang makaugnay tayo sa pananalig ng may-akda at mabuhayan ng pag-asa na lagi nating kasama ang Salita ng Diyos na buhay sa ating piling.

K. KATAGA NG BUHAY

Mt. 9:13

Awa ang gusto ko, hindi handog. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.

(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)

1 Comments