SAINTS OF SEPTEMBER: PAGSILANG NG MAHAL NA BIRHENG MARIA

SETYEMBRE 8 A. KUWENTO NG BUHAY Patunay ang kapistahang ito ng sinauna at malalim na debosyon ng mga Kristiyano sa Ina ni Jesus, ang Ina ng Diyos (dahil si Jesus, ang Anak ng Diyos ay tunay na Diyos at tunay na tao) na si Maria.  Sa paghahangad na parangalan ang Panginoong Jesukristo at ang kanyang kapanganakan, inalala din ng mga Kristiyano ang kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria at ni San Juan Bautista. Hindi ba’t nabanggit na sa ikalawang volume ng seryeng ito (Kuwaresam hanggang Pagkabuhay) na tanging ang tatlong ito lamang ang birthday na kasama sa kalendaryo ng mga pagdiriwang sa liturhiya o pagsamba natin?  Bagamat wala sa Bibliya, makikita naman sa mga sinaunang naisulat na tinatawag na apocrypha (ibig sabihin, hindi kabilang sa listahan ng mga aklat sa Bibliya), na may tradisyong sinusunod tungkol sa paggunita sa simula ng buhay ni Maria. Dito ay binigyan ng pangalang Joaquin at Ana ang mga magulang ni Maria. Dito rin sa tradisyong ito makikita ang kuwento ng mahiwagang pagsilang kay Maria na bahagi ng plano ng Diyos para sa pagdating sa mundo ng kanyang Anak na si Jesus. Isang simbahan sa Holy Land ang naitayo sa lugar kung saan sinasabing nakatayo dati ang tahanan ng mga magulang ni Maria. Malapit ito sa lokasyon ng tubig sa Betesda at ang tawag sa simbahan ngayon ay Basilica ni Santa Ana. Sa loob ng simbahang ito matatagpuan daw ang pinakamagandang tunog ng boses ng mga kumakanta dahil sa ibang istilo ng kisame ng simbahan. Kaya ugali ng mga pilgrims na mag-alay ng awit sa loob ng simbahan. Naniniwala ang mga unang Kristiyano na si Maria ay tinawag ng Diyos mula pa sa simula ng kanyang buhay para sa isang dakilang misyon. Ibig sabihin talagang inihanda ng Diyos ang babaeng ito mula pa sa pagsilang niya para unti-unti siyang maging karapat-dapat pagdating ng takdang panahon na maglilihi siya dala ng Espiritu Santo (Lk 1: 31-33). Tinulungan ng Diyos ng kanyang biyaya ang buhay ni Maria sa simula pa lamang ng kanyang pagdating sa mundong ito. Kaya nga kung tutuusin, ang sentro ng kapistahang ito ay hindi si Maria kundi si Jesus na ating Panginoon. Tandaan natin na lahat ng paggunita o pagpaparangal kay Maria ay hindi dahil sa kanya, kundi dahil sa Anak niya na ibinahagi niya sa buong mundo. Lagi tayong dinadala ni Maria patungo sa ating Panginoon. At tayo naman ay tinuturuan ng ating Panginoon na tanggapin at ingatan sa ating puso ang Mahal na Birhen. Kung mahal ni Jesus ang kanyang Ina, dapat din nating mahalin siya at igalang.  Si Maria ay hindi kapantay ng Diyos at hindi sinasamba tulad ng Diyos.  Si Maria ay susi upang lalong maunawaan ang plano at layunin ng Diyos sa kaligtasan ng buong sangkatauhan. Hindi masamang parangalan si Maria dahil tuwing ginagawa natin ito, ang tunay nating pinararangalan ay ang plano ng Diyos na kanyang sinang-ayunan.  Isang kaibigan ko, si Fr. Amado “Bong” Gino, ay laging sabik na sabik ipagdiwang ang araw na ito. Hinihintay niya ang hatinggabi ng Septiyembre 8 para gumising at awitan ng “Happy Birthday” ang Mahal na Birhen.  Nakaka-inspire ang ganitong debosyon ng isang nagpapasalamat sa kabutihang-loob ni Maria. B. HAMON SA BUHAY Bakit hindi natin awitan o batiin si Mama Mary ng Happy Birthday ngayon? Dati sa aking parokya sinimulan namin ang ugaling paghahanda ng mga cakes para sa mga bata at sa mga mahihirap upang lalo nilang maramdaman ang kagandahan ng pistang ito.  Ibahagi natin sa iba ang ating kagalakan sa pagsilang ni Maria. K. KATAGA NG BUHAY Is 7:14 Dahil dito, ang Panginoon mismo ang nagbibigay sa inyo ng isang tanda: Ang Birhen ay nagdadalantao. Nagsisilang siya ng isang anak na lalaki. Emmanuel ang tawag sa kanya. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 693