Home » Blog » SAINTS OF SEPTEMBER: PAGTATAMPOK SA KRUS NA BANAL

SAINTS OF SEPTEMBER: PAGTATAMPOK SA KRUS NA BANAL

SETYEMBRE 14

A. KUWENTO NG BUHAY

Maraming lugar sa ating bansa at gayundin maraming mga simbahan o bisita o kapilya ang tinatawag na Santa Cruz. At may mga tanging pagdiriwang na kaugnay ng krus sa mga pista sa buong taon sa ibat ibang baryo at nayon.

Ang Santa Cruz, Maynila ay ipinangalan sa isang krus na pinaniniwalaang mapaghimala para sa mga residente doon at nagbibigay ng biyaya sa mga negosyante sa lugar. May isang lugar kung saan nagtitirik ng kandila at nagdarasal ang mga tao sa isang krus sa gilid ng kalsada.  At may isang krus (sinsasabing ang orihinal) na nakalagak sa isang sulok at maingat na naka-kandado at inilalabas lamang kung pista sa Sta. Cruz. Una akong dinala ni Fr. Reynold Oliveros sa mga krus na ito noong siya ay nakatira pa sa Sta. Cruz Church.

Ang kapistahang ngayon ay hindi tungkol sa isang tao kundi tungkol sa simbolo ng pananampalataya, ang Krus ni Kristo.  Ibat-iba ang naging tawag sa araw na ito. Mayroong tinawag itong Kapistahan ng Pagtataas ng Krus, o Tagumpay ng Krus, o Maluwalhating Krus.  Sa ating ginagamit na Misal ngayon ang tawag ay kapistahan ng Pagtatampok sa Krus.

Nagsimula ang pagbibigay pugay sa Krus matapos ang mahiwagang pagkaka-diskubre sa True Cross – ang tunay na krus na ginamit upang ipako at patayin ang ating Panginoong Jesukristo ng mga sundalong Romano sa bundok ng Kalbaryo.

Nagpunta sa Jerusalem ang ina ng emperador Constantino noong 326 upang dalawin ang mga banal na lugar doon. Ang pangalan ng ina ng emperador ay kilala ngayon bilang Santa Elena or Reyna Elena (opo, siya din ang karakter sa Santacruz de Mayo na may dalang krus at may kasamang escort na Constantino kung tawagin).  Noong naroon siya, ipinahanap niya ang Krus na ginamit sa pagpapako sa Panginoon.

Ayon sa kuwento, may tatlong krus na nahukay sa bundok at upang malaman kung alin doon ang hinahanap ng reyna, inilapit ang mga krus sa isang maysakit. Sa pagdampi sa maysakit ng isang krus, isang himala ang naganap. Bigla itong gumaling sa karamdaman. Ito ang naging tanda na ang Krus na iyon ang True Cross.

Nagtayo ng isang simbahan sa lugar upang maging marka kung saan talaga naipako at namatay sa Krus ang Panginoong Jesus. Dinadayo ang simbahang ito ng mga deboto mula sa iba’t-ibang dako ng daigdig.  Isang bahagi ng tunay na Krus ang nakalagak doon. Habang ang ibang bahagi ay nakakalat sa iba’t-ibang simbahan sa Europa bilang mga relic.  Sa Rome ay may sikat na simbahan kung saan naroon din ang isang bahagi o relic ng tunay na Krus.

Mapalad tayo sa Pilipinas dahil isang monasteryo sa ating bansa ang may relic (isang maliit na bahagi) ng Tunay na Krus. Ito ay ang Monasterio de Tarlac sa bayan ng San Jose sa lalawigan ng Tarlac sa Luzon.  Paano nagkaroon ng relic ng Tunay na Krus doon? 

May isang monasteryo sa Germany ang pinagkatiwalaan na magtago ng relic na ito subalit kailangang isara ang monasteryo dahil wala nang mga monghe na mag-aalaga ng kanilang monasteryo. Naghanap ang mga lider ng simbahan sa Germany ng isang lugar na maaaring muling pagkatiwalaan na maging bagong tahanan ng relic ng Krus.

Nang makilala nila si Fr. Ronald Thomas “Archie” Cortez, prior at founder ng Servants of the Risen Christ, nagpasya ang mga awtoridad sa Germany na sa kanya ilagak ang relic. Dumating ang mga opisyal ng simbahan mula sa Germany at pormal na ibinigay ang relic kay Fr. Archie at sa kanyang congregation. Ang Papal Nuncio (kinatawan ng Santo Papa) sa Pilipinas mismo ang nagmisa sa araw na iyon na dinaluhan ng maraming mga Katoliko mula sa ibat ibang lugar.

Kung hindi tayo makararating sa Jerusalem upang magdasal at humingi ng pagpapala sa harap ng tunay na Krus, mayroong isang monasteryo na laging bukas upang tumanggap ng mga deboto at upang magbigay ng pagkakataon sa mga tao na mahawakan o mahalikan nag sisidlan ng relic ng Krus ni Kristo. Maraming mga himala ang sinasabing nagaganap sa buhay ng mga debotong dumadalaw sa True Cross na narito sa Pilipinas. Makikita sa internet ang maraming impormasyon tungkol dito.

B. HAMON SA BUHAY

Paano ba aalisin ang krus sa buhay ng tao? Tila kakambal ito ng buhay ng bawat isa. Pati ang Anak ng Diyos ay yumakap sa krus. Kung nahihirapan tayo, tingnan natin ang krus ni Kristo at humingi ng pag-asa. Aakayin tayo ng Panginoon mula sa kamatayan hanggang sa pagkabuhay.

K. KATAGA NG BUHAY

1 Cor 1:18

Katangahan talaga ang salita ng krus para sa mga napapahamak, subalit kapangyarihan ito ng Diyos para sa ating mga naliligtas. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)