SAINTS OF SEPTEMBER: SAN ANDRES KIM TAEGON, SAN PABLO CHONG HASANG AT MGA KASAMANG MARTIR NG KOREA
SETYEMBRE 20
A. KUWENTO NG BUHAY
Isa sa pinakamaganda, maayos at maunlad na bansa sa Asya ang South Korea. Kilala natin ang mga Koreano bilang mga turista na palaging dumadalawa sa ating bansa, o kaya ay nagnenegosyo dito o kaya ay nag-aaral ng English at iba pang mga kurso sa Pilipinas. Pero magandang malaman na may kakaibang kasaysayan ang Kristiyanismo sa bansang ito na hahangaan at kapupulutan ng aral ng marami.
Ang Korea ang kaisa-isang bansang nagsimulang makatuklas sa pananampalataya sa pamamagitan ng mga layko. Hind mga pari o mga misyonero ang unang nagdala ng pananampalataya sa mga tao, kundi mga ordinaryong binyagang Katoliko simula noong 18th century. Karaniwan sa kanila ay mga estudyante sa China na naging Kristiyano doon at iniuwi nila ang kanilang natuklasan sa kanilang inang-bayan.
Mabilis na lumaganap ang pananampalataya dahil dito at nagulat ang mga unang misyonero, na mga paring French, nang dumating sila dahil marami nang mga Kristiyano sa bansang ito. Subalit marami ding pagsubok ang dinanas ng mga Koreanong Katoliko noong una. Ipinagbawal ang relihyong Kristiyano at mahigpit na ipinatupad ang batas laban sa mga tagasunod ni Kristo. Napilitan ang mga Kristiyano na isabuhay nang palihim ang kanilang pananampalataya.
Napakaraming mga Koreanong Katoliko ang namatay sa ilalim ng panahon ng pag-uusig sa kanila. Bilang pagkilala sa ganitong kabayanihan, ipinahayag ni Pope John Paul II noong 1984 ang pagiging santo ng 103 na mga martir ng Korea (kabilang dito ang ilang banyagang misyonero). Noong 2014, 124 na martir (sa pangunguna ni Blessed Pablo Yunji Chung) ang itinanghal na Blessed sa isang pagdiriwang sa Seoul sa pangunguna ni Pope Francis. May balak pang itaguyod ang pagiging santo ng mga martir sa ilalim ng komunismo noong panahon ng Korean War. Natalo na sa bilang ang Pilipinas, ang pinaka-Kristiyanong bansa sa rehiyong ito! Ang simbahan ng Korea ngayon ang pang-apat na may pinakamaraming santo sa buong daigdig.
Ang pangunahin sa mga martir na ipinahayag noong 1984 ay sina San Andres Kim Taegon, pari, at si San Pablo Chong Hasang, layko. Kapwa sila pinatay noong 1846 sa Seoul.
Si San Andres ay anak ng mga magulang na Kristiyano at maging ang kanyang ama ay isang martir. Naordinahan siyang pari sa Shanghai matapos ang kanyang pag-aaral sa Macau at sa Pilipinas. Sa katunayan, ay tumira siya sa Lolomboy, Bocaue, Bulacan habang narito siya sa ating bansa. Maaaring dalawin ang napakagandang dambana ni San Andres sa Lolomboy na ngayon ay nasa pangangalaga ng mga Koreanang madre. Dinadayo na ito ng mga tao dahil sa mga gusaling ang design ay galing sa original Korean architecture. Napakaganda rin ng paligid ng lugar para sa panalangin.
Sa pagbabalik ni San Andres sa Korea, nahuli siya at pinugutan ng ulo malapit sa malaking ilog sa Seoul. Sa lugar na ito ngayon ay may napakagandang simbahan na nakatalaga sa mga martir. Naririto din ang mga relics ng karamihan sa mga martir ng Korea.
Mabilis ang paglago ng pananampalataya sa Korea. Minsang natuklasan na sa bansang ito ang natalang pinakamataas na bilang ng mga nagpapabinyag taun-taon sa simbahang Katoliko sa buong mundo. Marami ngayong simbahan, Katoliko at Protestante, sa buong Korea, at kahit wala pang 50 percent ng mga tao ang Kristiyano, ay iginagalang ang pananampalataya doon. Sa gabi, nagliliwanag ang mga krus sa tuktok ng mga simbahan sa Seoul kaya tinatawag ang lungsod na ito na “the city of a thousand churches.”
Marami pang natutuklasan ngayon na bagong mga libingan ng mga martir na Koreano kaya maaaring dumami nang higit pa sa pangkasalukuyang bilang (113) ang mga santo na may kaugnayan sa Korea.
Ang mga Katolikong Koreano ay likas na matulungin at maawain sa mga mahihirap kahit sa ibang bansa. Sa atin, may mga misyonerong Koreano na nag-aaruga sa mga abandonadong matatanda, mga bata at mga ulila. Ang religious congregation na Kottongnae mula sa Korea ay masigasig sa pagtulong sa mga mahihirap sa Paranaque, Taguig, at Tacloban.
B. HAMON SA BUHAY
Masigla ang mga Katolikong Koreano dahil alam nila ang kahulugan ng pagbibigay sa Diyos, maging ng kanilang buhay. hilingin natin sa Panginoon na tayo din ay maging bukas-palad sa paghahandog ng tulong at kalinga sa mga nangangailangan, dahil lubos tayong pinagpapala ng Diyos araw-araw.
K. KATAGA NG BUHAY
Pahayag 12: 11
At napagtagumpayan nila siya sa bisa ng dugo ng Kordero at ng salita ng kanilang pagpapatunay, at sa kamatayan, buhay nila’y di nila minahal. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)
2 Comments