Home » Blog » SAINTS OF SEPTEMBER: SAN PIO NG PIETRELCINA (PADRE PIO), PARI

SAINTS OF SEPTEMBER: SAN PIO NG PIETRELCINA (PADRE PIO), PARI

SETYEMBRE 23

A. KUWENTO NG BUHAY

Isang maliit na kapilya ang dinadayo ng mga tao sa may Libis, Quezon City, kung saan naroon ang mga relic ng isa sa pinakasikat na mga santo sa ating panahon.  Isa rin siyang modernong santo na maituturing, dahil may mga tao pang buhay ngayon na nakita siya nang personal o sa telebisyon, o sa mga pahayagan noong buhay pa siya. Namatay noon lamang 1968 si Padre Pio kaya maraming rekord ng kanyang buhay ang madaling makita sa mga aklat, film at maging sa tulong ng internet.

Marami din mga kapilya o simbahan ang nagsulputan para sa karangalan ni Padre Pio sa iba’t-ibang probinsya ng ating bansa dahil sa dami ng mga deboto niya. Malakas ang paniniwala ng mga tao na mabisang tagapagdasal si Padre Pio para sa kanilang mga kahilingan sa buhay. Maraming may kanser ang nagsasabi na gumaling sila sa tulong ng panalangin ni Padre Pio.

Ipinanganak si Padre Pio sa nayon na tinatawag na Pietrelcina sa Italy noong 1887.  Mga simpleng magsasaka ang kanyang mga magulang. Nang binyagan siya ay binigyan siya ng pangalang Francesco, bilang parangal kay San Francisco ng Assisi.

Maagang natutong tumulong sa gawain sa bukid ang batang si Francesco.  Subalit mas napansin mula pa noon, ang kanyang pagiging madasalin at puno ng pananampalataya. Bata pa lamang siya ay naisipan na niyang maging isang pari pagdating ng takdang panahon.

Kaya pumasok si Francesco sa seminaryo ng mga Franciscan Capuchin. Matagumpay siyang nakapasok sa novitiate.  Tinanggap niya ang abito ng religious order na ito at na-ordinahan siya bilang isang pari noong 1910. Ang naging bagong pangalan niya sa loob ng grupong ito ay Pio, kaya tinawag siyang Padre Pio

Ipinadala si Padre Pio sa giyera noong World War I subalit pinauwi din dahil sa mahinang kalusugan.  Mula noon, siya ay tumira sa kumbento sa San Giovanni Rotondo. Dito na siya tumanda at namatay sa lugar na ito. Higit sa lahat, dito sa San Giovanni naganap ang mga pinakamahalagang pangyayari sa buhay ni Padre Pio na maglalagay sa kanya sa posisyon ng pagiging bantog at mahal ng napakaraming tao.

Kilala ngayon si Padre Pio bilang isang stigmatist o taong pinagkalooban ng stigmata. Ano ba ang kahulugan nito? Ang stigmata ay mga tanda ng paghihirap ng Panginoong Jesukristo na nararamdaman at lumilitaw sa katawan ng mga nagkaroon ng biyayang magtaglay nito.

Minsang nagdarasal si Padre Pio, noong 1918, nakakita ng pangitain si Padre Pio na dinalaw siya ng Panginoong Jesukristo. Nang matapos ang pangitain o vision, nag-iwan ng marka ng mga sariwang sugat sa mga kamay, mga paa at sa tagiliran ng kanyang katawan; tila paalala ng mga sugat ng Panginoong Jesus sa krus. Siya ang kauna-unahang pari na nagkaroon ng ganitong karanasan.  Si San Francisco ng Assisi, na isang diyakono at hindi pari, ang unang santo naman na nakaranas ng ganitong himala sa kanyang buhay.

Dahil walang makitang paliwanag mula sa science ang mga doktor, maraming naniwala na himala ang sanhi ng mga sugat ni Padre Pio. Buong buhay niyang tataglayin ang mga sugat, na laging sariwa at nagdurugo, at mawawala lamang ito sa kanyang kamatayan, tulad ng kanyang ipinahayag.

Sa paglitaw ng mga sugat, nagsimula din ang kalbaryo ni Padre Pio dahil sa dami ng mga taong nagsidating; ang iba ay upang mag-usyoso lamang, at ang iba naman ay mga tunay na deboto na humihiling ng panalangin. Nawalan ng privacy ang pari, at kailangan niyang harapin ang lahat ng lumalapit sa kanya.

Madaling pinagdudahan ang stigmata o mga sugat ni Padre Pio. Maging ang simbahan ay nagbigay ng paghihigpit na bawal siyang magmisa o magpakumpisal o humarap sa mga tao. Naging mahirap lahat ito para sa banal na pari pero walang reklamong narinig mula sa kanya.  Dumating ang panahon na binawi lahat ang paghihigpit kay Padre Pio at binigyan siya ng laya na makapaglingkod muli bilang pari.

Hindi na nakaalis sa kumbento si Padre Pio dahil sa dami ng mga debotong dumadagsa araw-araw.  Ipinakita niya sa kanila ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Misa para sa kanila. Pagkatapos ay nagpapakumpisal siya nang mahabang panahon, minsan ay 10 oras sa isang araw. 

Sinasabing napakagaling magpakumpisal ni Padre Pio at minsan ay nababasa niya ang laman ng puso ng isang tao. Maraming nagbalik-loob sa Diyos sa tiyaga at bait ni Padre Pio sa kumpisalan. Maging si Pope John Paul II ang nagsabi na minsan ay dumayo siya sa San Giovanni Rotondo at nagkumpisal siya kay Padre Pio noong isang batang pari pa lamang siya.

Dahil kay Padre Pio naitayo ang isang ospital para sa mga may karamdaman. Mahal ni Padre Pio ang mga maysakit at nangako siyang ipagdarasal ang mga ito. Dito napatunayan ang mga himala sa tulong ng kanyang panalangin dahil marami ang gumaling pagkatapos.

Iba’t-ibang himala ang kaakibat ng pagkatao ni Padre Pio. Minsan ay naaamoy ng mga tao ang tila amoy ng mga bulaklak o pabango na galing sa dugo mula sa kanyang mga sugat.  Minsan ay nakikita si Padre Pio sa ibang lugar kahit na hindi naman siya umaalis sa kumbento (tinatawag na himala na bilocation).

Matagal na dinala ni Padre Pio ang tanda ng mga sugat ni Kristo sa kanyang sariling katawan. Ito ang naging susi upang maiugnay niya ang kanyang mga paghihirap sa mga paghihirap ni Jesus. Ito rin ang naging kasangkapan upang maakay niya ang mga tao patungo sa Diyos.

Namatay si Padre Pio noong 1969 at napakarami ang nakipaglibing sa kanya.  Mahal na mahal at bukambibig siya sa buong Italy at sa buong mundo.  Naging ganap na santo siya noong 2002 sa isang Misang ginanap sa Roma para sa napakaraming taong dumalo mula sa buong daigdig.

B. HAMON SA BUHAY

Naniniwala ako sa mga himala at naniniwala din ako sa mga kakaibang kaloob ng Diyos tulad ng stigmata ni Padre Pio. Napatunayan ko din ang bisa ng panalangin ni Padre Pio nang humiling ako sa kanya ng isang special intention at ito ay agad niyang binigyan ng tugon.  Pero dapat nating tandaan na ang naging susi ng kanyang pagiging santo ay hindi ang himala o stigmata niya. Ito ay ang kanyang pagmamahal sa Panginoong Jesus sa kabila ng maraming hirap sa buhay niya at ang kanyang dalisay na malasakit sa kapwa tao lalo na sa mga maysakit, mga may suliranin sa buhay at mga makasalanan na nagbabalik-loob. Ito rin ang maaari nating tularan at isabuhay tungo sa ating kabanalan.

K. KATAGA NG BUHAY

Col 1:24

Natutuwa nga ako ngayon sa tinitiis ko alang-alang sa inyo; ang kulang sa mga paghihirap ni Kristo ay pinupunan ko sa aking laman alang-alang sa kanyang katawan, ang Iglesya.

(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)