IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
ANO’NG MASASABI NATIN SA DIBORSYO?
MK 10: 2-16
MENSAHE
Ang paksa ng diborsyo ay normal na lang sa ibang bansa. Subalit sa Pilipinas, malaking kontrobersya pa ito. Dahil sa kultura, pulitika, at relihyon, tayo ang nananatiling bansa sa mundo (maliban sa Vaticano) na walang legal na diborsyo. Kaya nga kamakailan lang, lumalakas na naman ang usapin dito, mula sa mga kongresista at maging sa mga karaniwang tao.
Madalas binabalingan ang pananampalatayang Kristiyano na nagpatibay ng kasal bilang banal at matatag na institusyon. Nagtatanong ang mga tao sa simbahan: “ Ano ang masasabi ninyo dito? Bakit ganyan ang sinasabi ninyo? Bakit kayo konserbatibo, makaluma, manhid sa pakiramdam ng mga mag-asawa at pamilya?” Wala namang inimbentong tugon ang simbahan, maliban sa pinanghahawakan nating mga salita ng Panginoong Hesukristo: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Si Hesus ba dapat ang sisihin ng mga payag sa diborsyo?
Hindi ipinilit ng Panginoon ang kasal sa kabila ng karahasan, kawalang-galang at dangal, at kahit na natupok na ang apoy ng pagmamahalan. Ang nais idiin ng Panginoon ay ang pagpasok sa pag-aasawa ay kailangan ng kamulatan, paghahanda, at pasya na maging mapagmahal, tapat, mapanindigan, at mapagsakripisyo. Isang hamon ito para tunay na mag-isip at magplano sa gabay ng pananampalataya. Isang tawag ito para isa babae at lalaki na hindi lang masabik sa engagement, proposal, kasal, at pulotgata, kundi sa buhay sa ibayo pa, na maaaring hindi laging “happy ever after.”
Ang mga salita ng Panginoong Hesukristo ay hindi sandata laban sa mga nagnanais ng diborsyo. Ito ay isang aral at tawag sa mga babae at lalaki, mga magulang at gabay, sa simbahan din, na tulungan ang mga naghahanda sa kasal at ang mga nagsisikap manatiling kasal na maunawaan na ang buhay na ito ay batbat ng biyaya at hamon, ng mga rosas at mga tinik, at sa pamamagitan ng lahat ng ito, maaaring dumaloy ang grasya sa gitna ng ulan, at ang paghilom sa gitna ng mga luha.
MAGNILAY
Ngayon, ipanalangin natin ang mga mag-asawa upang maging tapat sa kanilang sumpaan sa kasal. Ipanalangin natin ang mga mag-asawang nahihirapang maghilom at magkasundo. Ipagdasal natin ang mga pagmamahalang nanlamig na at ugnayang gumuho na upang makasumpong sa Diyos ng kinabukasang may bagong pag-asa at pagsisimula.