IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
YUMAMAN KA SANA SA PAGMAMAHAL
MK 10: 17-30
MENSAHE
Kaylaking kaibahan ang mababakas sa Mabuting Balita ngayon. Isang mayamang kabataang lalaki na may malaking tanong sa buhay. At si Hesus, dukhang mangangaral, na hawak ang lihim na sagot na hinahanap ng lalaki. Sa unang tingin, tila sinasabi ng Panginoon na huwag siyang maging mayaman, di ba? Pero, sino sa atin ang ayaw maging mayaman? Iyan ang pangarap ng karamihan sa atin ngayon. Hindi kinokondena ni Hesus ang kayamanan, dahil bawat biyayang nagpapalago sa buhay ng tao ay mula sa Diyos.
Hinahamon ng Panginoon ang lalaki na bukod sa pagtupad sa batas ng kanyang pananampalataya, maging malaya din siya sa mga kinakapitan niyang kayamanan – bagay, lugar, tao – na nang-aalipin sa kanyang puso. Kapag ang tao ay hindi kumakapit sa mga materyal na bagay, doon lang siya matututong magmahal tulad ni Hesus. Walang masama sa kayamanan, subalit ang mayroon ay dapat handa ding magbahagi – “ibigay mo sa mahihirap” – maliban dito, ang mahal lang nila ay ang kanilang sarili. Hindi kasi ganito ang ugali ng Ama, hindi ganito ang pananaw ng Panginoon. Ang nakakapit sa nawawala at lumilipas ay hindi nagbibigay-buhay.
Pansinin natin ang Panginoon; nang tingnan niya ang lalaki, sabi doon sa Ingles: “he loved him,” – minahal niya siya. Maikling pananalita pero hitik sa kahulugan. Tinitingnan, minamasdan tayo ni Hesus at minamahal niya tayo. Ang pagmamahal niya ang nagpapadama sa atin ng presensya ng Ama at ng biyaya ng Espiritu. Kaya ni Hesus na magmahal nang ganito dahil siya ay dukha, ibig sabihin, hindi siya nakakapit sa mga materyal na bagay. Nakikita niya ang panlabas subalit mas pinahahalagahan ang kalooban; hindi siya nagpapamudmod ng pera o kagamitan, kundi ng pagmamahal sa kanyang puso na mula sa Espiritu. Wala siya kung anuman mayroon sa lalaki, subalit taglay niya ang pagmamahal na hinahanap ng Kabataang ito para sa buhay dito at sa kabila.
MAGNILAY
Ano ang mga “labis na kinakapitan” ng puso mo ngayon? Ano iyong mga bagay, tao, lugar o kalagayan na mas nakahihigit pa sa pag-ibig mo sa Diyos at sa kapwa? Hilingin sa Panginoon na ngayong linggong ito ay turuan kang maging malaya na sundan siya, magmahal tulad niya, makarating sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagmamahal tulad niya.