Home » Blog » IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

ANG HALAGA NG PAGLILINGKOD

MK 10: 42-45

MENSAHE

Sino ba ang dakila sa mata ng Diyos? Ang mapagpakumbaba kaya? Ang taong tapat kaya? O ang mapagkawanggawa at mapagbigay sa kapwa? O baka naman ang matapang at bayani? Bagamat lahat ng mga katangiang ito ay kalugod-lugod sa Panginoon at may pakinabang sa kapwa, diin ng Panginoong Hesukristo ngayon ang isang aspekto ng kadakilaan na madalas hindi mapansin.

Ang dakila, sa presensya ng Diyos, ay ang siyang tunay na naglilingkod; iyong may pananaw, pagkiling,  at kagustuhang maglingkod… at talagang isinasagawa ito. Maaaring ang isang tao ay mababang-loob at tapat, mabait at mapagbigay, at maraming mga mabubuting hangarin, subalit hangga’t hindi niya ito ginagamit sa paglilingkod, malayo pa siya sa kadakilaang espirituwal. Nakalulugod sa atin ito! Bakit? Kasi tila sinasabi sa atin ng Panginoon na ang landas sa pagiging dakila sa puso at espiritu ay bukas para sa lahat, dahil bawat isa ay may kakayahang maglingkod na may pagmamahal at dedikasyon sa kanyang kapwa sa anumang paraan.

Maaaring ang pinaglilingkuran natin ay ang ating pamilya. May naglilingkod din sa lugar ng kanilang trabaho o paaralan. At may ibang sa mas malawak na pamayanan nakatuon ang paglilingkod. Tunay ang paglilingkod kung ginagawa ito habang tayo ay nakatago at hindi nagpapapansin tulad ng mga trending ngayon na tumutulong o gumagawa ng mabuti pero may nakatutok na video o camera para sa social media. Tunay ang paglilingkod kapag nadarama ng isang tao ang kirot ng pagbibigay, pagpapatawad, pagbabahagi, at pagtulong sa kapwa, tulad ng Anak ng Tao, ang Panginoong Hesukristo na nagpakita ng pinakamagandang halimbawa sa atin. Ang paglilingkod niya ay nagdala sa kanya sa buong-buong pagbibigay ng sarili, ng mismong buhay niya hanggang sa wakas.

MAGNILAY

Maaaring may mabuti tayong hangarin subalit kung walang kasunod na pagkilos, hindi tayo tunay na naglilingkod sa Diyos man o sa kapwa. Maaaring may kakayahan tayong maglingkod, subalit kung ipinagpapabukas natin ito at naghihintay tayo kapag tayo ay retirado na, matanda na, o mayaman na, baka sa huli, hindi na tayo kailangan ng iba. Hingin natin sa Panginoon ang biyayang makapaglingkod sa kanya at sa kapwa ngayon, maging sa maliliit na bagay, mga simpleng bagay, at sa mga pangaraw-araw na bagay.