DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI B
MASDAN ANG HARI NA MAY PAGMAMAHAL
JN 18: 33b-37
MENSAHE
Hinahanap ni Pilato ang isang haring may maringal na korona, subalit nakatayo sa harap niya si Hesus, pagod at gusot ang buhok sa magdamag na walang tulog sa piitan.
Inaasahan ni Pilato ang isang haring may magarang pananamit, subalit heto si Hesus na ang kasuotan ay maalikabok at gusgusin – dala ng nakaugalian niyang paglilibot sa lansangan upang mangaral at magpagaling.
Inaasam ni Pilato ang isang haring napapaligiran ng malaking hukbo ng mga sundalo, subalit nag-iisa si Hesus dahil paglingon niya sa hardin ng Getsemani, iniwan siya pati ng kanyang mga matatalik na kaibigan.
Bagamat nasa harap ng Hari, ng Panginoon ng langit at lupa, hindi ito nakilala ni Pilato. Bakit? Dahil hindi siya naghahanap na may pagmamahal. Tanging ang may pagmamahal ang nakakaramdam ng “tingin ng pagmamahal”; tanging pagmamahal lang ang makakakilala sa tunay na nagmamahal at nagnanais na maghari sa puso ng tao.
Bilang mga Kristiyano, ipinapahayag nating si Kristo ang Hari natin, ang tanging Hari ng sanlibutan! Subalit madalas nating malampasan ang kanyang presensya, kahit na kaylapit na niya. Hanap natin ang haring magbibigay ng lahat ng nais natin, magtatanggal ng lahat ng paghihirap natin, maglalayo sa atin sa kapaitan ng buhay. Subalit naghahari si Hesus hindi upang burahin ang ating kahinaan at karupukan. Naghahari si Hesus sa gitna ng mga pagsubok at paghamon sa buhay. Ang paghahari niya ay ang kanyang pakikiisang lubos sa ating pira-pirasong buhay.
MAGNILAY
Hinahanap mo ba ang Diyos sa tamang lugar? Huwag kang umasa sa Hari na maglalayo sa iyo sa iyong pagkatao. Sa halip, salubungin siya sa bawat mong karanasan sa buhay – galak man o lungkot, pagkatalo man o tagumpay, luha man o halakhak. Siya ng Haring nakikilakbay sa bawat pakikibaka natin dahil mahal niya tayong tunay. Hanapin ang Panginoon hindi sa pamamagitan ng mga matang umaasa ng ginhawa o himala, kundi sa pamamagitan ng mga matang umiibig sa kanya! Viva, Cristo Rey!