IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
MAGBIGAY… MAGTIWALA
Mk 12:38-44 or 12:41-44
MENSAHE
Minsan kong nakausap ang kaibigang-pari na laging balisa sa pagkukunan ng pondo sa mga proyektong pangsimbahan. Tinulungan ko siyang maunawaan na sa buong buhay niya, hindi pa siya nangailangan na dumukot sa sariling bulsa para sa kahit anong proyekto niya. Siya ang nagplano, siya ang nanguna, pero hindi ba’t sa huli, ang Diyos ang siyang nagbayad ng lahat ng kailangan? Hanggang nakatuon sa Panginoon at sa kanyang Kaharian ang kanyang isip at puso, walang dahilan upang mag-alala sa ikatutupad ng inaasam.
Isa pang kaibigan ko naman ang sobrang nag-aalala sa seguridad ng kanyang kinabukasan na tutok lang siya sa pag-iipon ng yaman. Nakapagtataka lang na lalo siyang nag-iimbak ng yaman, lalo namang pakiramdam niya na kulang at hindi sapat ang kanyang naipon at naitabi.
Tinuturuan tayo ng Mabuting Balita na ang higit na nakapagpapaligaya sa Panginoon ay isang pusong laang magbigay ng sarili – sa mga dukha, sa mga nangangailangan, at sa pamayanan. Binigyang-diin ito ng Panginoong Hesukristo sa pagmamasid niya sa balong babae na ibinigay ang lahat sa templo. Pinuri niya ang pagbubukas-palad nito, at higit sa lahat ang matibay nitong pagtitiwala. Kahit tila bitin ang kuwento ng babae, palagay ko, ang kanyang kagandahang-loob ay nagbukas ng mas marami pang biyaya sa kanya at sa kanyang pamilya; tiyak ako na hindi sila naging salat sa anumang bagay hanggang sa dulo ng kanilang buhay.
Ang pagbibigay, pagbabahagi, at pagtulong sa kapwa ay hindi lamang gawain ng kawanggawa; ito ay unang-una, pagpapahayag ng tiwala sa Diyos na nakapapansin ng ating kabutihan.
MAGNILAY
Sa mga panahong ito, maraming pagsubok, at natural na isipin natin ang ating seguridad at katiwasayan sa pamamagitan ng pag-iipon salapi o kabuhayan. Hindi tayo dapat mahiya kung iniisip natin ang kinabukasan natin at ng ating pamilya. Sa halip, magdasal tayong malampasan natin ang mga takot na ito, at sa kabila nito ay matutong magbigay mula sa puso, kahit pa minsan ay mahirap. Nakikita ng Panginoon ang ating tiwala at nangangako siyang pagkakalooban tayo ng mga pagpapalang higit pa sa ating inaasahan.