IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
WALANG KATIYAKAN O WALANG HANGGAN?
MK 13: 24-32
MENSAHE
Inilalarawan ng Mabuting Balita ngayon ang buhay, unang-una, ang lumilipas na katangian nito. Anong uri ng buhay ito? Kamakailan, may nakarating sa aking tatlong kuwento na nagsasaad ng katotohanan nito. Isang batam-batang kampeon sa sports ang tinamaan ng isang virus habang nasa kumpetisyon at umuwing paralisado ang katawan. Pagkatapos, isang teenager naman ang naglalaro ng basketball nang biglang inatake sa puso sa gitna ng laban. At isang lola na matagal nang maysakit ang bigla na lang nawalan ng ganang kumain, nanghina ang memorya at nagsimulang magtu-tulog na lang sa halip na makipag-usap.
Ito ang “buhay na walang katiyakan” – buhay na isang araw asahan mong kukupas at hahantong sa wakas. Ang buhay, alam natin, ay marupok at nag-iiba. Walang makapagsasabi kung ano ang naghihintay sa atin sa susunod na iglap o sa darating na araw.
Subalit may isa pang buhay na inilalarawan ng Mabuting Balita. Kung ang buhay na walang katiyakan ay pansamantala at lumilipas, ang “buhay na walang hanggan” naman ay nagpapatuloy, matatag, at hindi natatapos. Tanging ang Panginoong Hesus, Anak ng Tao, Anak ng Diyos, ang may kapangyarihang igawad ang buhay na ito. Sa gitna ng kaguluhan sa paligid man o sa ating kalooban, nakasisiguro tayong kay Kristo, langit at lupa man ay magunaw, ang Kanyang Salita ay mananatili. Ang mga pangako ng Panginoon ay laging maaasahan at hindi tayo mabibigo dito.
MAGNILAY
Ang pagbasang tulad ng ngayon ay nakapagdadala sa atin ng takot at pagkabalisa, dahil mahilig tayong kumapit sa lumilipas at kumukupas na buhay. Subalit sa harap ng katotohanang walang permanente sa mundong ito, kumapit tayo sa ating pananampalataya sa Panginoon. Kung sasabihn natin lagi: “Panginoong Hesus, isinusuko ko sa Iyo ang aking buhay; bahala na po Kayo sa lahat,” masasaksihan natin ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian na kumikilos sa paligid natin at sa kaibuturan natin.