PANALANGIN SA GITNA NG BAGYO AT IBA PANG KALAMIDAD
Diyos Ama sa langit, ang kalikasan at lahat ng nilikha mo ay tunay na kahanga-hanga. Kalimitan nakakalimutan namin ang kagandahan ng mga ito. Tulungan mo po kaming mahalin ang iyong mga kaloob. Pilitin man namin, hindi namin kayang pigilin ang kilos ng mga karagatan, kabundukan at bulkan, at maging ang pabago-bagong kalagayan ng panahon. At nananalig kaming mula sa panahon ni Noe, hindi ka nagpapahintulot ng mga baha, lindol, bagyo at anumang kilos ng kalikasan, bilang parusa o babala sa aming mga makasalanan. Kaya nga po, dalangin naming sa gitna ng bagyo at anumang kalamidad dulot ng kalikasan, na lukuban mo kami ng iyong pag-iingat at pagliligtas. Gabayan at bantayan mo po ang mga taong kailangang lumikas mula sa kanilang mga tahanan at ang naaabala sa kanilang hanapbuhay. Tulungan mo silang makasumpong ng tulong at kalinga mula sa amin na kanilang kapwa. Bigyan mo kaming lahat ng lakas, tapang, at tibay ng damdamin sa gitna ng bagyo at anumang kalamidad na dumarating sa aming bayan. Kung paanong pinapayapa ni Hesus na Iyong Anak ang unos sa dagat, nawa’y muli niya kaming saklolohan sa aming pangangailangan sa gitna ng mga pagsalanta ng puwersa ng kalikasan. Papuri at pasasalamat sa iyong paglingap at pagmamahal. Sa ngalan ni Kristo kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.
ourparishpriest 2023