Home » Blog » SAINTS OF NOVEMBER: SAN CARLOS BORROMEO, OBISPO

SAINTS OF NOVEMBER: SAN CARLOS BORROMEO, OBISPO

NOBYEMBRE 4

A. KUWENTO NG BUHAY

Dalawang malalaking seminaryo sa Pilipinas ang nakapangalan sa santong ito, ang seminaryo ng Maynila at ang seminaryo ng Cebu, mga sentro ng pananampalataya sa ating bansa. May mahalagang kaugnayan si San Carlos Borromeo sa kasaysayan ng pagtatatag ng mga tahanan para sa paghubog ng mga pari. Isa ito sa mga misyon na ginampanan niya bilang pagsusulong ng mga pagbabago tungo sa renewal ng simbahan.

Mula sa Arona sa Italy si San Carlos. Isinilang siya noong 1538 sa pamilyang may mataas na antas sa lipunan. Ang kanyang ina ay mula sa pamilyang de Medici, at kapatid nito ang naging Santo Papa na Pio IV.

Batang-bata si San Carlos na nagtapos ng kanyang doctorate sa canon law at civil law. Natapos niya ang kanyang pag-aaral sa pamantasan ng Pavia sa edad na 21 taong gulang lamang.

Nang maging Santo Papa ang kanyang amain na si Pio IV, tinawag siya nito sa Roma upang maglingkod sa Vaticano sa tabi niya.  Masigasig na naglingkod si San Carlos. Nagsimula din siyang mamuhay nang simple at walang luho. Hinamon niya ang mga nakapaligid sa Santo Papa na palawakin ang kanilang katalinuhan at mabuting paglilingkod. Maraming sumama ang loob dahil sa mga panukala ni San Carlos.

Ginawang Kardinal si San Carlos kahit na hindi siya isang pari. Noong panahong iyon ay maraming nahihirang na Kardinal mula sa mga layko.  Hindi na ito nagaganap ngayon.

Nang ganapin ang Council of Trent (ang council na ito ang naging tugon ng simbahan sa mga hamon ng lumalaganap na Protestantismo sa Europa), malaking tulong si San Carlos sa paghahanda para maging matagumpay ang pagtitipong ito. Dahil din dito ay nabuo sa kanyang puso ang misyon na isulong ang mga reporma para mapanariwa ang katayuan ng simbahan at maging mas  matapat ito sa mga atas ng Panginoong Jesukristo.

Nang mahalal siya na tagapamahala ng Arkidiyosesis ng Milan, naisipan ni San Carlos na tumanggap ng ordinasyon bilang pari. Nangahulugan ito na hindi na siya mag-aasawa at babalik sa pamilya niya para tumulong na palaguin ang kanilang magandang katayuan. Mas minabuti niyang ituloy ang paglilingkod sa Diyos dahil sa lumalalim niyang pagmamahal sa Diyos at sa simbahan.

Tinanggap niya ang ordinasyon bilang obispo at pormal na nanungkulan bilang arsobispo ng Milan. Mula sa unang araw ng kanyang pagpasok sa Milan, hanggang mamatay siya pagkatapos ng 18 taon, inayos niya ang kanyang natagpuan. Maraming mga katiwalian sa mga sangay ng simbahan na kanyang itinuwid. Tinuruan niya ang mga layko upang maging mas responsableng kasapi ng simbahan. Dinalaw niya ang mga parokya. Ginawa niyang simple ang mga simbahan.

Sa paniniwala ni San Carlos, ang pagbabago ng simbahan ay magaganap kung mapapanibago ang mga kaparian nito. Nagtayo siya ng seminaryo upang maging lugar kung saan makakakuha ng tamang paghubog ang mga nais maging pari. kinikilala si San Carlos bilang ama ng mga seminaryo.

Naging matagumpay ang hangarin ni San Carlos dahil nakita niyang nagningning ang buhay ng simbahan ng buong nasasakupan ng Milan. Kaya lamang, maraming nagalit dahil sa kanyang mga pagbabago. May nagtangkang pumatay sa kanya at himala na nakaligtas siya sa masamang balak na ito.

Naging mapagtangkilik si San Carlos sa mga Katoliko mula sa England na lumayas sa kanilang bansa dahil sa pag-uusig ng Reyna Elizabet. Kinupkop niya sa Milan ang ilan sa mga ito na naging mabubuti niyang katuwang sa gawain.  Pinigilan din niya ang pagpasok ng Spanish Inquisition sa kanyang teritoryo.

Maraming larawan si San Carlos na nagpapakita ng sanhi ng kanyang sipag at katatagan.  Sa mga larawang ito, makikita siyang taimtim sa panalangin, nag-aayuno sa pagkain ng tinapay at tubig lamang, at tumutulong sa mga tao. nang dumating ang peste noong 1576, nagpatayo siya ng mga ospital at mga tahanan para sa mga nagkasakit.

Batang-bata ding natapos ang misyon ng minamahal na Kardinal at arsobispo. Dahil sa isang karamdaman, namatay siya sa gulang na 46 taon noong 1584.

B. HAMON SA BUHAY

Ayon sa isang awitin tungkol kay San Carlos: Silang man sa kayamanan, sa isang angkang may pangalan, di binigyang halaga ang buhay na maginhawa. Nagsilbi siyang halimbawa sa paglilingkod sa kanyang kapwa. Ang tangi niyang kayamanan, pag-ibig sa Diyos na mapagmahal.

K. KATAGA NG BUHAY

Mt 11, 28

Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo.

(From the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)

1 Comments