TANONG AT SAGOT TUNGKOL KAY LAUREANA “KA LURING” FRANCO
SINO SI “KA LURING” FRANCO?
Laureana Franco ang tunay na pangalan ng panganay na anak nina Pedro C. Franco at ng maybahay na si Maria A. Atayde. Isinilang siya sa baryo Hagonoy, Taguig noong Hulyo 4, 1936.
Sa kanyang paglaki at pagtanda, nakakitaan siya ng mga bunga ng isang banal na buhay lalong-lalo na sa kanyang paglilingkod bilang isang katekista, una, ng Arkidiyosesis ng Maynila at sa kanyang kamatayan, ng Diyosesis ng Pasig, na humiwalay sa Maynila bilang bagong simbahang local.
BAKIT PINAG-UUSAPAN NGAYON SI KA LURING?
Nagsimula na ang proseso ng pangangalap ng impormasyon sa buhay ni Ka Luring na maaaring maging sus isa kanyang pagkahirang bilang isang “Blessed” at sa lumaon, bilang isang “Santa” ng simbahang Katolika. Kung magkagayon, maaari siyang tanghalin ng buong simbahan sa daigdig bilang isa pang banal at huwarang Kristiyanong Pilipino tulad nina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod. Si San Pedro Calungsod ay kinilala din bilang isang katekista, na namatay bilang isang martir.
ANO ANG PINAGMULAN NI KA LURING?
Isang simpleng buhay ang nakagisnan ni Ka Luring sa Taguig. May pito siyang mga kapatid na tulad niya ay tinuruan ng kanilang mga magulang na maging mapagmahal sa Diyos at madasalin. Mula sa kanyang mga magulang, natutunan ni Ka Luring ang halaga ng pananampalataya kay Kristo at sa simbahan. Nahubog din si Ka Luring sa pagtulong sa mga gawaing bahay ng kanyang nanay.
NAKAPAG-ARAL BA SI KA LURING?
Si Ka Luring ay nagtapos ng elementarya sa Hagonoy Elementary School bilang masipag at matalinong mag-aaral. Nagtapos naman siya ng high school sa Taguig Institute noong 1954 at pagkatapos ay nag-aral ng Stenography sa kolehiyo.
NAKAPAG-TRABAHO BA SI KA LURING?
Bagamat nais niyang maging isang madre, hindi niya ito itinuloy dahil sa kanyang pananagutan na tumulong sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Nagtrabaho si Ka Luring mula 1962-1969 sa Philippine Air Force bilang volunteer telephone operator at accounting clerk. Nagtrabaho din siya sa tahanan ng kanyang amo na isang malayong kamag-anak, upang kumite ng dagdag na salapi para sa pamilya. Hindi nag-asawa si Ka Luring; nanatili siyang isang dalaga.
ANG PAGIGING KATEKISTA NI KA LURING
Naakit sa paglilingkod bilang katekista si Ka Luring dahil sa pagmamahal sa mga bata na nakita niyang nangangailangan ng gabay sa pamumuhay at sa pananampalataya. Dumalo siya sa mga paghubog bilang volunteer catechist ng Maynila at nakapagturo sa Ponciano Bernardo Elementary School sa Cubao, sa Ramon Magsaysay High School sa Maynila, sa Molave Elementary School, sa Rosario Elementary School sa Pasig, at sa Sta. Ana Elementary School, at sa Parokya ng Sta. Ana sa Taguig. May mga naturuan si Ka Luring na nagkaroon ng bokasyon sa pagpapari at pagmamadre.
ANG KASIPAGAN NI KA LURING
Naging tagapagtaguyod ng bokasyon si Ka Luring, kasapi sa Apostolado ng Panalangin at Lehiyon ni Maria, at ang kauna-unahang lay Eucharistic Minister ng Maynila. Malapit siya sa mga seminarista at mga pari, at lalo na sa mga dukha at nangangailangan. Pinilit niyang tulungan ang mga Kabataang walang kakayahang pag-aralin ng kanilang pamilya. Nagturo siya ng mga bata sa squatter area at kumalinga sa mga matatandang napabayaan ng mga pamilya sa mga depressed area.
ANG ESPIRITUWALIDAD NI KA LURING
May matibay na debosyon si Ka Luring sa Eukaristiya, kapwa sa Banal na Misa at sa pagsamba sa Blessed Sacrament. Malapit siya sa Mahal na Birheng Maria. Masugid siya sa pananalangin at pagsasakripisyo tulad ng pag-aayuno para sa mga kahilingan at para sa mga intensyong inilalapit sa kanya ng ibang tao. Si Ka Luring ay ipinatatawag ng dating Arsobispo Jaime Cardinal Sin upang hingan ng panalangin at sakripisyo para sa mga natatanging balak at intension ng Kardinal. Kalimitang may hawak na Rosaryo si Ka Luring sa tuwing maglalakbay at isang puting tuwalya na pamunas niya ng pawis. Una niyang dinadalaw ang Blessed Sacrament sa pagdating sa isang parokya bago pa man kausapin ang sinuman. Malimit ang payo ni Ka Luring na ipagdasal ang mga pari at igalang ang mga ito. Matibay ang kanyang pananalig sa Banal na Pangangalaga ng Diyos (Divine Providence). Hindi niya ininda ang mga daing at sakit ng kanyang katawan sa gitna ng karamdaman. Palaging masayahin, madaling tumawa at ngumiti ang katekistang ito.
MGA PAGKILALA KAY KA LURING
Nagawaran si Ka Luring ng mga award tulad ng Pro Ecclesia et Pontifice noong 1990 at ng Mother Teresa Award noong 2002. Ang salaping kalakip ng huling award ay ibinigay niya sa kawanggawa bagamat siya mismo ay isa ding nangangailangan at dukha. Lalong nagpatingkad ng kababaang-loob ang mga parangal na ito kay Luring at kailanman ay hindi siya naging mayabang o mapagkait sa kapwa.
KATATAGAN NG PANANAMPALATAYA NI KA LURING
Madalas isalaysay ni Ka Luring na minsan na siyang hinimok ng mga Mormons na sumapi sa kanila at maging isang misyonera nila kalakip ang malaking halaga ng salapi. Bagamat maysakit ang kanyang ina at kailangan niya ng tulong, hindi ipinagpalit ni Ka Luring ang pagiging Katoliko sa nakaaakit na alok ng kaluwagan sa buhay. Sa paglilingkod sa simbahan minsan na din niyang naranasan ang kalupitan ng isang pari bagamat hindi niya ito ikinasama ng loob o ipinagtanim ng galit sa puso. Sa gitna ng sakit na kanser, nanatiling buo ang tiwala niya sa awa at pagmamahal ng Panginoong Hesukristo at ng Mahal na Birheng Maria. Sa ospital ay dinalaw at hinikayat siya ni Cardinal Gaudencio Rosales at ng mga kaibigang pari.
ANG PAGPASOK NI KA LURING SA KALUWALHATIAN NG LANGIT
Tinanggap sa Tahanan ng Amang Makalangit si Ka Luring noong Oktubre 17, 2011, matapos tumanggap ng huling sakramento noong Oktubre 16. Inilibing siya sa St. Michael Catholic Cemetery sa Hagonoy, Taguig noong Oktubre 22, 2011 at ang kanyang libing ay dinaluhan ng maraming mga nagmamahal sa kanya lalo na ang mga taong-simbahan na nakasama niya at humanga sa kanyang mga halimbawa.
IPAGDASAL ANG PAGHIRANG KAY KA LURING BILANG ISA SA MGA SANTA NG SIMBAHAN
Sa hanay ng mga banal, maraming mga katekista na ang pormal na hinirang bilang mga santo at santa, lalo na sa Asya at Oceania kung saan ang pananampalataya ay masugid na isinulong hindi lamang ng mga misyonero kundi pati ng mga banal na katekista at martir tulad ng katekista ng Myanmar na si Blessed Ngei Ko Lat, ang katekista ng Laos na si Blessed Paolo Toj Xyooj, ang katekista ng Thailand na si Blessed Philip Siphong Onphitak, ang katekista ng Vietnam na si Blessed Andres ng Phu Yen, at ang katekista ng Papua New Guinea na si Blessed Peter To Rot. Bagamat hindi namatay na martir si Ka Luring Franco, ang kanyang buhay ay isang maningning na pagiging “martir” o “saksi” sa pagmamahal ng Diyos sa mga dukha at nangangailangan ng kalinga.