Home » Blog » IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO K

IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO K

PAANO NALAMAN NI ELISABET?

LK 1: 39-45

MENSAHE

Maraming paniniwala ang matatanda natin sa pagbubuntis, kahit pa sa ating modernong panahon. Kasabihan na ang itsura ng babae ang hudyat ng kasarian ng kanyang magiging sanggol. Kung gumadanda at sariwa ang ina, tiyak na babae daw ang anak; kung tila pagod at losyang, lalaki naman. Ang bilog na tiyan ay tanda ng babaeng sanggol, at ang patulis naman para sa anak na lalaki. Kapag makinis ang kutis ng buntis, malamang babae, at kung umitim ang leeg at kili-kili, malamang sa malamang, junior iyan. Nakakatawa dahil marami pa ring naniniwala kahit madalas mali ang mga hinalang ito.

Sa Mabuting Balita ngayon, isinasalaysay ang pagtatagpo ni Maria, na nagdadalang-tao kay Hesus at ng kanyang matandang pinsang si Elisabet na nagbubuntis kay Juan Bautista. Tulad ng mga kaugalian natin, napansin ni Elisabet na may kakaiba sa pinsan. Maaaring maningning ang ganda ni Maria o hindi maikakaila ang galak nito. Hinulaan ni Elisabet, hindi ang kasarian, kundi ang katayuan ng Anak ni Maria; nadama niya ang kanyang pagka-Diyos. Puno ng Espiritu Santo, kinilala niya na si Maria ay Ina ng Tagapagligtas ng mundo.

Subalit ang ningning ni Maria ay hindi lamang pisikal. Ang kanyang pag-aalala, pagkahabag, at pagbubukas-palad, ang nagbunyag ng biyayang nagaganap sa kanya. Matapos tanggapin ang mensahe ng Anghel, agad niyang hinangad na maglingkod sa iba, tanda ng pagiging Lingkod ng lahat ng kanyang sanggol na si Hesus.

MAGNILAY

Habang papalapit ang Pasko, nakatuon ang isip natin sa Mahal na Birheng Maria. Sa lahat ng bahagi sa kwento ng Pasko, siya ang pinakahuwaran ng paghahanda sa pagdating ng Tagapagligtas nating si Hesus. Mapuno din sana tayo ng Espiritu ng Diyos at maibahagi natin siya sa lahat ng ating makakasalamuha tulad ni Maria.