Home » Blog » PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON 2024

PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON 2024

MULA PAGKABAHALA TUNGO SA PAGPAPALA

Lk 2; 1-14

MENSAHE

Ang daming bagay sa mundo ngayon na nakababahala. Alalahanin na lang ang nakaraang magulong halalan sa America. Isipin ang patuloy na alitan sa Ukraine, Israel, at Palestina. Dito sa atin, patung-patong ang mga isyu at kontrobersiya tungkol sa panggigipit ng Tsina sa dagat, paniniktik nila sa gobyerno at sa POGO, katiwalian sa mga sangay ng pamahalaan at marami pang iba.

Hindi pa ba sapat na marami na tayong bitbit na mga pansariling tunggalian sa ating mga karamdaman, pakikibaka, pag-aalitan, kasalanan at pagdurusa sa buhay? Kailangan pa bang madagdagan ito bawat araw ng mga samu’t-saring pagkabahala?

Subalit ngayon ay Pasko, at nais ng Diyos na ituon nating muli ang pansin hindi sa “pagkabahala” kundi sa mga “pagpapala!” Minsan kayhirap unawain na ang pandaigdigang pagdiriwang na ito ay nakasentro sa isang maliit na Sanggol, sa Batang isinilang ng isang Birhen, sa Anak ng Diyos na naging munting nilalang sa sabsaban. Bakit ba ang Anak ng Diyos ang lunas sa pagkabahala ng buhay?

Ang Banal na Sanggol na si Hesus ang nagtuturo sa atin ng halaga ng tiwala at pagpapaubaya. Paalala niya sa atin na ang takot, sindak, pag-aalinlangan at kaduwagan ay mga sinauna pang mga sakit natin na dapat labanan… at kayang pagwagian kung iaalay nating muli sa Diyos ang ating mga puso. At kung gayon, makikita at mararanasan natin ang mga ito mula sa ibang anggulo – lahat ng pagsubok, ang mga “pagkabahala” ay magiging “pagpapala” sa kamay ng Diyos at sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya.

Higit sa lahat, ang Banal na Sanggol ang naggagawad ng tunay na kapayapaan sa ating mga isip, puso at kaluluwa. Sa ating pagmamasid sa sabsaban at sa kanyang maamong mukha, napupuno tayo ng kapayapaang hindi batid ng mundo, ng kapayapaang hindi maibibigay ng daigdig, ng kapayapaang masidhing ninanais ng sanlibutan. At ang kapayapaang ito ay hindi lamang pangarap dahil isa itong kaganapan sa Sanggol na nagpapabago ng “pagkabahala” tungo sa “pagpapala.”

MAGNILAY

Ngayong Kapaskuhan, ituon ang pansin, hindi sa mga “pagkabahala,” kundi sa mga “pagpapala,” na natatanggap mo mula sa Panginoon. Maging mapagpasalamat sa buhay, pamilya at mga kaibigan, sa kapangyarihan mong harapin at lutasin ang anumang mga pagsubok. Nawa ang Banal na Sanggol na si Hesus ang magpuno sa iyo ng mga biyaya ng pagmamahal at kapayapaan na maibabahagi mo sa lahat ng makakasalamuha mo ngayon. Maligayang Pasko sa lahat ng sumusubaybay sa website na ito. Umapaw nawa ang mga pagpapala sa inyo! Isama ninyo po ako sa inyong mga panalangin!