IKA-APAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K/ KAPISTAHAN NG PAGHAHAIN KAY HESUS SA TEMPLO (Peb. 2)
DUMADATING ANG PANGINOON SA TEMPLO
Luke 2:22-40 or 2:22-32
MENSAHE
Madamdamin ang tagpo na ating ipinagdiriwang, ang Paghahain kay Hesus sa Templo. Nang magbalik na sa langit ang mga anghel, nang abala na muli ang mga pastol sa parang, nang payapang nakabalik ang mga Pantas sa Silangan, nang hindi na matanaw ang tala sa Betlehem, si Jose, Maria, at ang Sanggol na si Hesus ay naiwan na sa wakas… naiwan upang magsimula ng buhay pamilya… naiwan sa karaniwang situwasyon… naiwan sa kanilang buhay bilang karpintero, maybahay, kapitbahay. At sa pagdadala ni Jose at Maria kay Hesus sa Templo, hindi sila nagtungo doon bilang tanyag o sikat, kundi bilang mga karaniwang nilalang na ginagawa ang tulad ng iba – tumutupad sa Batas, sumasamba sa Diyos sa Templo, gumaganap ng tungkulin,.
Para sa mga may sensitibong puso tulad ng mga propetang si Simeon at Ana, hindi maikukubli ang katotohanan; ang Sanggol ay nakalaan sa pagbagsak at pag-angat ng marami. Subalit para kay Hesus mismo, ang tagpong ito sa Templo ang pagsisimula ng kanyang misyon, hindi bilang kakaiba, hindi bilang natatangi, hindi bilang sikat, kundi bilang kaisa ng kanyang mga kapatid. Sabi sa Sulat sa mga Ebreo, kailangan niyang maging tulad ng kanyang mga kapatid upang maging tunay siyang tapat at mahabaging pari para sa kanila.
Dumating ang Liwanag sa mundo, pero hindi nakabubulag; nagpakita ang Tagapagligtas subalit hindi nananakot o namimilit; pumagitna na ang Hari sa kanyang mga nasasakupan, subalit bilang kapatid at kaibigan. Ang pagliligtas sa atin ay dumarating sa pamamagitan ng mga karaniwan at payak na bagay, pangyayari, at situwasyon. Maging gabay nawa natin ito sa ating pagbabalik sa Karaniwang Panahon ng simbahan.
MAGNILAY
Manalangin tayong maging mabilis makadama ng presensya ng Diyos sa mga pangaraw-araw na kaganapan sa ating buhay at sa paligid natin. Matuklasan nawa natin ang Panginoon sa mukha ng mga taong kasalamuha, katagpo at kahalubilo sa buhay. Salubungin nawa natin si Hesus sa ating buhay sa pagtanggap ng likas nating kahinaan at pagiging karaniwan.