JUBILEE 2025-3: PAG-ASA SA PANAHON NATIN NGAYON
PAGHAHASIK NG PAG-ASA: ANG MISYON NG KRISTIYANO NGAYON
ANG TAO BILANG MANLALAKBAY
Sa sinaunang panahon, itinuring ang tao bilang taong manlalakbay (homo viator), palaboy, laging naglalakad patungo sa makalangit na tahanan (patria). Bawat miyembro ng Bayang ng Diyos ay manlalakbay, naglalakad na pag-asa, tuluy-tuloy sa pag-usad, subalit hindi naglalakad na nakayuko o nakabaluktot kundi tuwid at matatag dahil may taglay na pag-asa. Nang pagbilinan ng Panginoong Hesukristo ang mga alagad na humayo ang ipangaral ang Mabuting Balita, ang huling mga salita niya ay Puspos ng pag-asa: “Kasama ninyo ako, hanggang sa dulo ng daigdig” (Mt 28:20).
Ang taong naglalakbay ay maraming hinaharap na mga pagsubok at paghihirap sa daan. Subalit ang Kristiyano ay hindi kailanman nag-iisa dahil kasama niya ang Panginoon na nauuna pa nga sa kanya at katabi niya sa bawat hakbang. Ang mahiwagang presensyang ito ng Diyos, sa gitna ng mga pagsubok, kadiliman, at pangangailangan, ang ang Banal na Pangangalaga ng Diyos (Divine Providence, na tinatatawag). Ang pag-asang Kristiyano ay sinasagisag ng isang angkla (Heb. 6: 18-19) dahil hindi ito malabo o alanganin o kaduda-duda. Batay ito sa matatag na pangako ni Kristo at sa mga naganap na niya. Ang katiyakan mula kay Hesus ang nagpapalakad sa atin na tuwid ang likod at may katatagan dahil sa pag-asang dulot niya.
ANG Espiritu Santo AT PAG-ASA
Isa pang magandang sagisag ng pag-asa ay ang layag ng bangka, na siyang nagpapakilos, nagpapa-abante, at nagtutulak sa bangka na umusad sa tulong ng hangin. Ang pag-asa ay parang layag, at ang hangin ay ang Espiritu Santo. “Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Rom 15: 13). Pinalalago ng Espiritu Santo ang pag-asa lalo na sa panahong tila susuko na ang tao, kung malakas ang tukso na huwag nang kumilos at tumigil na lamang. Ipinapaalala ng Espiritu Santo na ang bawat tao ay anak ng Diyos at tagapagmana ng “pag-asang hindi nabibigo” (Rom 5:5). Ang Espiritu Santo din ang nagtutulak sa lahat na iwanan ang katamaran at katorpehan at maging mga tulad niya na handang dumamay sa mga mahihina, mahihirap, at mga itinataboy. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang bawat Kristiyano ay hindi lang nag-uumapaw sa pag-asa kundi tagahasik pa ng pag-asa.
MGA HUWARAN NG PAG-ASA
Ang mga santo at mga martir ang huwaran natin sa pag-asa. Nariyan ang Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Pag-asa. Ang buong buhay niya ay pag-asa, mula sa pagtanggap sa mensahe ng Anghel hanggang sa paanan ng Krus, at hanggang sa kalipunan ng mga alagad noong dumating ang Espiritu Santo. Bihira siyang magsalita sa ebanghelyo subalit ang kanyang katahimikan ay puno ng pag-asa dahil sa pakikinig niya sa Diyos, dahil ang pag-asa at pakikinig ay magka-ugnay.
Si Maria Magdalena din ay huwaran sa pag-asa, bilang “alagad ng bago at pinakadakilang pag-asa.” Nabuhay siya sa pagkasiphayo dahil sa mga unang karanasan niya sa buhay na nasa ilalim ng kasamaan. Kayrami niyang binitbit na kahinaan, pagdurusa, at pagsubok. Subalit ang pagkalugmok ay pinalitan ng pagmamahal, pagpapatawad, at pagbabago. Sa huli, siya pa ang unang nakakita sa Kristong Muling Nabuhay, at ang nagpakalat ng mabuting balitang ito. Ang kanyang buhay ay patotoo na tayo din, maaaring maging mga banal dahil sa awa at tulong ng Panginoon, Siya na laging tumutulong sa atin.
Ang kinapapalooban ng ating pag-asa ay ang Diyos mismo. Ang Amang Makalangit ang siyang bukal ng pag-asa. Nagmula ang pag-asa sa paanyaya ng Ama na magtiwala sa balak at pananaw niya para sa buhay ng bawat isa sa atin, at para sa buong mundo, tulad ng pag-asa ni Abraham. Ang pag-asa ay naka-ugat din sa pananampalataya kay Hesus na namatay at muling Nabuhay at sa pag-ibig na itinatak niya sa pag-asa; pag-ibig na totoo, tapat, “may forever.” Nabubuhay ang pag-asa sa taong nag-aanyaya sa Espiritu Santo na mamuno at manahan sa kanyang puso, dahil habang may pag-asa, may buhay… at ang nangangailangan ng pag-asa upang mabuhay ay nangangailangan ng Espiritu Santo para umasa.