JUBILEE 2025: ANG PAG-ASA SA BAGONG TIPAN

SI HESUKRISTO, BUHAY NA PAG-ASA: KATUPARAN NG PAG-ASA ANAK NA NAGKATAWANG-TAO: BUKAL NG PAG-ASA Habang nakatagpo ang mga tao sa Lumang Tipan ng pag-asang magtataguyod sa kanila sa paglalakbay sa buhay, ang pag-asa nila ay hindi ganap, hindi kumpleto. Patikim lamang ito ng kaloob na higit pang malalim, mainam, at perpekto, ayon na din kay San Pablo: “Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga, ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.” (1 Cor 2:9). Sa misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Diyos, doon pa lamang naganap ang pangako. Kay Hesus, lumapit ang Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng paghuhubad ng pagka-Diyos upang simulan sa gitna ng mga tao, na ngayon ay mga kapatid na niya, ang balak na ninanais niya para sa kanila. Dumating ang Panginoong Hesukristo upang magbigay ng “bagong pag-asa” sa mga tao, ang pag-asa ng walang hanggang buhay. Sa pagsilang niya, ang mga hukbo ng anghel ay umawit ng himig ng langit, badya ng pag-asang dulot ni Hesus na nagbubunga ng papuri at pasasalamat sa Diyos na nagsimulang magtatag ng Kaharian ng pag-ibig, katarungan, at kapayapaan. Ang pagsilang ng Panginoon ay isang “hiwaga ng pag-asa at ng kalungkutan.” Kalungkutan dahil hindi lahat ay tatanggap sa kanya. Subalit higit naman ang tikim ng pag-asa dahil narito ang Diyos ng liwanag na hindi nakabubulag, ng pagmamahal na hindi naghihintay ng katapat, ng pagbibigay na hindi umaasa ng kapalit. Nagpapakain, naglilingkod, nagbibigay, nagliligtas. Ang pag-asang ito ay agad na napansin at naunawaan ng mga kinatawan ng mga nakatira sa laylayan, gilid at sulok ng Lipunan, ng mga taong lugmok sa kasalanan at karukhaan. DIYOS NA NAKAPAKO, PAG-ASA SA KAPANGYARIHAN NG PAG-IBIG Tulad ng binhi ng trigo na nahulog sa lupa at namatay (Jn 12: 24), mula sa Krus ni Kristo umusbong ang pag-asa na mananatili at hindi kukupas kailanman. Ang binhi ng pag-asa ay diniligan, binungkal, at inalagaan ng pagmamahal na ipinakita ni Hesus sa Krus. Ang pagmamahal niya mula sa Pagpapakasakit hanggang sa Pagkabuhay, ang ang pag-ibig na “puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas” (1 Cor 13:7), pag-ibig na mismong buhay ng Diyos, at nagpapabago sa lahat ng dapuan nito. Sa Krus, ang pag-asa ay muling nabuhay at nanariwa para makatawid ang mga tao mula kadiliman hanggang liwanag, mula kasalanan tungo sa kapatawaran, mula pagkasiphayo tungo sa pag-asa. Hindi tulad ng makalupang pag-asa, ang Nakapakong Kristo ay nag-aalay ng bagong pag-asa na pinatibay ng pag-ibig at dahil dito ay handang labanan ang mga pagsubok, handang lupigin ang kamatayan at kasalanan. Ang mga tumanggap sa pagkilos ng Krus, at natutong maging payak at hamak tulad ni Hesus, ay nagiging mga “binhi ng pag-asa” sa kanilang kapwa, mga tagapagdala ng pag-ibig ng Ama na pinatibay ng pag-asa. SI KRISTONG MULING NABUHAY, PAG-ASA NG BUONG DAIGDIG Taliwas sa iniisip ng mga alagad at ng mga tao, ang pag-asang sinimulan ni Hesus sa Kaharian ng Diyos ay hindi gumuho sa bigat ng krus. Bagamat ang Krus ay sagisag ng mabathalang pag-ibig na puno ng pag-asa, hindi kayang dalhin lamang ng Krus ang maluwalhating hiwaga. Kaya ang Muling Pagkabuhay ang siyang naging sisidlan ng mahalagang mensahe, ng pinakapuso, ng pananampalatayang Kristiyano. Ang Muling Pagkabuhay ang pinakasentro ng pahayag ng pananampalataya! Si Kristo ay namatay, inilibing, nabuhay muli, at nagpakita sa mga alagad, kaya siy ay buhay magpakailanman – iyan ang pinaka-puyo ng orihinal na pagpapahayag ng pananampalataya ng mga sinaunang Kristiyano at hanggang ngayon sa ating panahon. Ang sentro ay Kristolohikal, ibig sabihin, nakaugat kay Kristo! Ang Muling Pagkabuhay ang nagpatingkad ng pag-asa ng mga mananampalataya. Hindi na katatakutan ang kamatayan (1 Cor 15:55). Ang paghahanap ng tao sa Diyos ay nalampasan ng nauna nang paghahanap ng Diyos sa kanyang mga minamahal na anak. Dumadaloy ang biyaya sa pakikipagtagpo kay Kristong Nabuhay Muli. Umuusbong dito ang may lakas loob na ngiti at pananabik sa pagbabahagi ng pananampalataya sa kapwa tao. Iyong tinatawag na “kerygma” ng mga unang Kristiyano na talagang simple subalit masigla, ang dapat laging pagmulan ng lahat ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ngayon. By Fr. RMarcos, www.ourparishpriest.com Share on FacebookTweet Total Views: 173