KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO K
ESPIRITUWAL NA PAGKABATA
LK 2: 41-52
MENSAHE
Noong unang panahon sa bansang Austria, isang matandang lalaki ang naglagay ng imahen ng Batang Hesus sa isang Christmas tree. Maraming deboto ang dumalaw dito at nagdasal para sa mga himala. At nasaksihan nga nila ang mga kababalaghan doon! Unti-unting sumibol ang isang simbahan sa lugar na ito, nagkaroon ng pamayanan, at dumagsa ang mga tao mula sa iba’t-ibang lugar. Lahat ay nagsimula sa Banal na Batang Hesus!
Ang ganitong pangyayari ay naganap din sa Pilipinas, at higit pang marubdob dito sa atin. Ang Santo Niño, ang Batang Hesus, ang naging puso ng buhay na pananampalataya, saligang-bato ng pamayanan, at sentro ng buhay na pagdedebosyon. Bagamat nakatuon sa imahen ng isang bata, ang Santo Niño ay hindi paanyaya sa pagiging bata-bataan o kakulangan sa kamulatan. Sa halip, ang kapistahan at debosyon ay nagtuturo ng isang matibay na pagsasabuhay ng “espirituwal na pagkabata.”
Ano ba ang mga marka ng “espirituwal na pagkabata?” Una, isa itong hamon sa pagtanggap sa ating mga kakulangan bilang tao. Kahit walang kakulangan sa Batang Hesus, tayo naman ay batbat ng mga pagkakamali at kahinaan. Paanyaya ng Panginoon na huwag laktawan ang mga ito bagkus pabayaang magdala sa atin sa kababaang-loob. Ikalawa, isa itong pasimula ng tiwala. Dahil nakikita nating makasalanan at mahina tayo, ang ating tiwala ay hindi sa sariling kakayahan kundi sa kapangyarihan ng Diyos na hindi nagkukulang. Ikatlo, isa itong pagkapit sa awa ng Diyos. Ang Santo Niño ang nagpapakita sa ating ng habag ng Ama na nagsugo ng kanyang sariling Anak upang tubusin tayo sa kasalanan at panumbalikin sa biyaya. Sa gitna ng kadiliman, ang tunay na liwanag lamang ay ang Diyos na nagmamahal sa atin bilang mga anak niya.
MAGNILAY
Mahal na Señor Santo Niño, Diyos na nagkatawang-tao, akayin mo po ako ngayon sa kababaang-loob sa harap ng Ama at sikaping malunasan ang aking mga pagkukulang at kasiraan. Gawin mo po aking lumago at mahinog sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng “espirituwal na pagkabata” na itinuturo mo sa akin. Amen.