Home » Blog » SAINTS OF JANUARY: POONG HESUS NAZARENO, Enero 9

SAINTS OF JANUARY: POONG HESUS NAZARENO, Enero 9

ANG ITIM NA NAZARENO NG QUIAPO

KUWENTO

Bagamat matagal na ang debosyon sa kinaugaliang tawagin ng marami na “Mahal na Señor Hesus Nazareno” ng Quiapo, ang “Itim na Nazareno,” Setyembre 2024 nang unang ipinahayag na ang kanyang kapistahan tuwing Enero 9 ay magiging bahagi na ng kalendaryo ng liturhiya sa lahat ng diyosesis sa buong Pilipinas simula sa susunod na taon, 2025. Hindi ito pista ng isang santo lamang, kundi ng mismong Panginoon nating si Hesukristo.

Ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ng Quiapo ay isang singlaki-ng-tao na imahen ng Panginoong Hesukristo na may pasang krus at halos nakaluhod sa pagkakapuwesto nito, nakasuot ng damit na pulang marun, may koronang tinik at may rayos na tatlong sinag. Noong Mayo 31, 1606 nang ang orihinal na imahen ng Itim na Nazareno ay dinala sa Pilipinas mula Acapulco, sakay ng galeon. Ito ay lilok ng isang hindi kilalang eskultor at dinala sa bansa ng unang grupo ng mga Prayleng Agustino Recoletos. Sinasabi sa kuwentong-bayan na nasunog ang galeon habang nasa laot kaya umitim ang imahen na dating maputi (subalit may ibang opinyon ang ibang mga pananaliksik tungkol sa itim na kahoy na ginamit dito, tulad ng pagtutuwid na ginawa ng yumaong propesor na si Msgr, Sabino Vengco).

Ipinangalat ng mga Recoletos ang pananampalataya kay Kristong Nagdurusa at ang pananampalataya sa kanya bilang bukal ng mga biyaya; mabilis na kumalat ang debosyon. Noong 1650, pinayagan ni Papa Inocente X ang pagpaparangal sa imahen, at iginawad naman ni Papa Pio VII ang basbas apostoliko noong 1880, na nagbigay ng indulhensya plenarya sa sinumang taos-pusong mananalangin sa harap ng imahen.

Ang Enero 9 ang pagsasariwa sa paglilipat o pagtatanghal sa imahen sa kasalukuyang National Shrine at Basilica nito sa puso ng Maynila at dinadaluhan ito ng milyun-milyong deboto sa prusisyong inaabot ng halos isang araw.

Enero 3, 2025 nang ipinahayag na ang pangalang “Itim na Poong Hesus Nazareno” ay hindi na opisyal na gagamitin patungkol sa pinagpipitagang imahen ng Panginoong Hesukristo sa Quiapo. Sa halip, tatawagin itong “Hesus Nazareno” bilang pagpaparangal sa Kabanal-banalang Pangalan ng ating Panginoon, na siyang orihinal na dahilan at okasyon ng pagdiriwang. Ang simbahan ng Quiapo ay nagsimula na ring tawagin sa opisyal nitong pamagat na “Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno.”

Sa prusisyong tinatawag na “traslacion” (ang pagsasariwa ng paglipat ng imahen mula sa lumang simbahan ng mga Recoletos sa Intramuros patungo sa dambana ngayon sa Quiapo noong 1787), milyun-milyong tao ang sumasaksi o nakikiisa dito. Sa 2025, may 8.12 milyong tao ang naitalang nakipagdiwang ng pista ng Nazareno at sa traslacion. Sa taong ito din nang ang masipag at matalinong Rektor ng Minor Basilica and National Shrine, si Most Rev. Rufino “Jun” Sescon, ay naitalaga bilang bagong Obispo ng Diyosesis ng Balanga na sumasakop sa buong probinsiya ng Bataan.

HAMON SA BUHAY

Ang Hesus Nazareno ay malapit sa puso ng mga Pilipino dahil nasasalamin niya ang bayang naghihirap, nagsisikap, naghahagilap ng kahulugan ng buhay sa tulong ng pananampalataya. Dahil sa tulong ng Maykapal, tayo ay nabibiyaan, kaya dapat din tayong tumulong sa kapwa taong nangangailangan at sa bansang ating minamahal.

(sa panulat ni Fr. RMarcos, ourparishpriest website)