Home » Blog » IKA-LIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-LIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

ANG PAGTAWAG SA KARANIWAN

LK 5: 1-11

MENSAHE

Naghanap ang Panginoong Hesukristo ng mga kasama – mga apostol – iyong makakalakbay niya, maisusugong mangaral at magpalayas ng masasamang espiritu (Mk 3:16). Sa Lawa ng Genesaret, natagpuan niya ang mga ito. Ano kayang klaseng mga tao ang tumugma sa hinahanap ng Panginoon?

Una, mga simpleng tao. Tinawag ni Hesus ang mga mangingisda – karaniwan, batak sa trabaho, amoy-dagat, walang pinag-aralan, at sanay sa hirap. Subalit sila din ay matiisin, maparaan, at matiyaga sa gawain.

Ikalawa, mga tapat. Nakita ng Panginoon ang kanilang pagkatao: mga sandaling atubili, nasisiphayo sa pagkakamali, nagugupo ng mga pagsubok. Subalit nakita din niyang handa silang bumangong muli, magpunyagi, at magwagi.

Ikatlo, mga taong hindi perpekto. Mulat sila sa kanilang pagkakamali, hangganan, at kawalang-karapatan. Subalit bukas din sila sa biyaya. Nang makatagpo nila si Hesus, nakilala nila siya bilang Panginoon ng kanilang buhay at isinuko sa kanya ang lahat-lahat.

Ito ang kagandahan at himala ng tawag ng Diyos sa atin. Kapag tumugon tayo, ang kapayakan ay nagiging karunungan, ang pag-aatubili ay nagiging katapangan, at ang makasalanan ay nagiging tapat na saksi, na iniiwan ang lahat ng nakalipas at masusing tumatahak sa landas ng Panginoon.

MAGNILAY

Panginoon, nababanaag ko ang aking sarili sa iyong mga unang alagad. Kitang-kita ko ang aking mga kahinaan, pag-aalinlangan, at kapalpakan sa kanila. Masdan mo rin po ako ng katulad na tingin ng pagmamahal, tawagin mo rin po ako ng tulad na tinig ng pag-asa at ilagay mo rin po sa akin ang tulad na tiwalang ipinagkaloob mo sa kanila. Amen.