IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA K
ANG TUNAY NA MUKHA NG DIYOS
LK 15: 11-32
MENSAHE
Ano ang itsura ng Diyos? Matagal nang tanong ito ng mga tao, mula sa panahon ni Hesus magpahanggang ngayon. Akala natin kilala na natin ang Diyos, pero tama ba tayo? Para sa iba, ang Diyos ay lumulutang sa kataasan – sobrang perpekto sa kabanalan at kapangyarihan na hindi mo tuloy malapitan. Para sa iba naman ang Diyos ay lubus-lubos sa katuwiran – hindi nagkakamali at laging tama kaya naghahanap ng mali ng mga nadadapa.
Kaya ngayon, inaalis ng Panginoong Hesukristo ang lambong na tumatakip sa mukha ng Diyos. Kilala niya ang Diyos nang malapitan at makatotohanan bilang Ama ng awa at pagmamahal. Bakit? Dahil nagmula siya sa Ama at siya ang sentro ng puso ng Ama.
Itinuturo ng Panginoon na para sa mga matuwid at nagpapakabanal, tulad ng panganay na anak, ang Diyos ay mapagmahal na ama na nanghihikayat. Maluho siya sa katapatan sa mga taong tapat sa kanya. Matatag siya sa pagbibigay ng gabay sa mga sumusunod sa kanya na nag-aalinlangan o pinanghihinaan ng loob.
Subalit para sa makasalanan, tulad ng bunsong anak, ang Diyos ay mapagmahal na amang bukal ng awa. Nais niyang magbalik loob ang makasalanan pero walang pilitan. Nagdiriwang siya kapag nagbalik ang alibugha pero walang sermon, panghuhusga at pangongonsyensya. Basta, yayakapin lang at tatanggapin lang. Higit sa lahat, ibinabalik niya ito sa dating lugar niya sa tahanan, kapantay ng kanyang kuya, na tila walang nangyari.
Ang talinghagang ito ang ginuntuang salaysay, ang buod ng ebanghelyo, ang puso ng mensahe ng Diyos, ang nakabibiglang pagkatuklas ng tunay na itsura ng Diyos. At ngayong Kuwaresma, nabubuhay ang talinghaga sa atin na nais maging malapit sa Diyos, sa ating naghahangad ng ugnayan sa kanya, sa ating nagnanasang mabawi ang dangal na nawala sa atin. Nabubuhay ang talinghaga sa atin sa ating paglapit sa sakramento ng Kumpisal.
MAGNILAY
Ngayong Kuwaresma, ihanda natin ang ating mga puso na makatagpo ang Ama ni Hesus, ang Diyos na ibinunyag niya sa mundo, ang eskandalosong Diyos na nag-uumapaw sa awa at pagmamahal sa halip na galit at panghuhusga. Lumapit tayo sa Kumpisal na walang taglay na takot o hiya kundi katiyakan tulad ng panganay na anak na tiwalang mauunawaan siya ng Ama at ng bunsong anak na tiwalang yayakapin siya muli nito sa ganap na pag-ibig.