IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA K
MAKIISA SA BIYAYA
LK 13: 1-9
MENSAHE
Nililinaw ng Mabuting Balita ngayon ang isang nalalabuang pang-unawa ng mga Hudyo tungkol sa Diyos. Pakiwari nila, tulad din ng marami sa atin pa din ngayon, na ang Diyos ay mapagparusa; na ang Diyos ay isang galit na hukom na layong magparusa sa ating mga nagkakasala.
Ipinahayag ng Panginoong Hesukristo ang katotohanan, na bagamat nagdurusa tayo sa buhay, ito ay dahil sa ating mga maling pagpapasya at hindi dahil ibinulid tayo ng Diyos sa kapahamakan. Dahil hindi tayo nakikinig sa kanyang Salita, nalilinlang tayo ng mundo. Dahil sa lumalayo tayo sa kanya, hindi tayo nagkakamit ng biyaya. Dahil ayaw nating magmahal at magsakripisyo, napipiit tayo sa pagkamakasarili.
Subalit ang Diyos ay mapagmahal na Ama, at hindi mapagparusa. Totoong siya ay hukom din, subalit sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas, matatagpuang ang kanyang panghuhusga ay umaapaw sa habag sa nagkasala. Tulad ng hardinero sa ebanghelyo, nakakikita ang Diyos ng pangalawang pagkakataon kahit tila wala nang pag-asa. Nagbibigay siya hindi lang ng ikalawa, ikatlo, ika-apat at ikalimang pagkakataon kundi ng maraming, maraming pagkakataon para magsisi at magbalik-loob.
Ngayong Kuwaresma, sariwain natin ang ating pag-asa sa Diyos nating Ama. Ang pag-asa ay kanyang kaloob, subalit dapat ding pagsikapan upang lumago at manatili. Kaya sabi ni San Pablo, kailangang umasa kahit tila walang pag-asa. Kailangan nating makiisa sa biyaya, magsabi ng “Opo” sa Diyos na naghahandog ng maraming mga pagkakataon.
MAGNILAY
Huwag mong ituring na pabigat ang mga sakripisyo ng Kuwaresma; mahal ka ng Panginoon higit pa sa iyong pagmamahal sa sarili. Sa halip, magpakumbaba at makiisa kay Hesus tungo sa pagkakamit ng kanyang mga kaloob na pagpapanariwa, pagpapatawad, paghilom at masaganang pag-asa!