PANALANGIN PARA SA KALUSUGAN NI POPE FRANCIS
PANALANGIN 1
Mahabaging Ama, buong kababaang-loob na hiling naming kasihan mo ng iyong biyaya ng kagalingan at lakas ang iyong lingkod na si Pope Francis. Aliwin mo po siya at kahabagan sa panahon ng kanyang kahinaan. Ibangon mo po siya mula sa karamdaman tungo sa panibagong sigla ng isip, katawan, at kaluluwa. Pagkalooban mo po siya ng kapanatagan at palibutan ng mga panalangin ng iyong nagmamahal na bayan. Ipatong mo po sa kanya ang mapaghilom mong mga kamay. Sa pamamagitan ni Kristong Anak mo, kaisa ng Espiritu Santo, Iisang Diyos magpasawalang-hanggan. Amen.
Mahal na Birheng Maria, lunas ng mga maysakit at karamdaman, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
Amen.
PANALANGIN 2
Diyos naming Mapagmahal:
Dumudulog po kami sa iyo para sa aming Santo Papa na si Pope Francis
sa panahon ng kanyang malubhang karamdaman at taimtim kaming nananalangin.
Kahabagan mo po ang iyong lingkod na si Pope Francis
na matapat at masipag na naglingkod sa iyo
sa loob ng kanyang mahabang buhay.
Higit sa lahat, naglingkod siya bilang matapat na Kristiyano
na nagbahagi ng pagmamahal, awa at habag ng iyong Anak na si Hesus
sa lahat ng mga nakasalamuha niya sa kanyang iba’t-ibang ministeryo
lalo na ang mga mahihirap at mga nagsisikap.
Bilang Santo Papa, pilit na tinularan ni Pope Francis ang iyong Anak
sa pagbubukas-palad sa mga iniwan, isina-isangtabi at pinabayaan,
at lalo na sa kanyang malasakit sa sinumang maysaki at mahina.
Ngayong siya naman ang humaharap sa matinding karamdaman
gabayan mo po ang mga manggagamot, nars, at katuwang nilang nag-aaruga sa kanya;
nawa ay mabata niya ang anumang sakit sa tulong ng iyong biyaya at
agad siyang gumaling muli.
Isugo mo po ang Espiritu Santo, ang iyong hininga,
upang hilumin, ibangon, at pasiglahin siyang muli upang
maipagpatuloy niya ang kanyang misyon bilang kinatawan ni Kristo sa lupa.
Subalit kung nanaisin mo, O Diyos na mapagmahal, na ibalik na siya sa piling mo,
nawa ang kanyang pagyao ay maging payapa at wala nang pagdurusa.
Hiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon.
Amen.