Home » Blog » MAHAL NA BIRHEN NG “PAPAYA”: HIDDEN TREASURE OF PARAÑAQUE

MAHAL NA BIRHEN NG “PAPAYA”: HIDDEN TREASURE OF PARAÑAQUE

KILALANIN ANG MAHAL NA BIRHEN NG KAPAYAPAAN 
NG DON GALO, PARAÑAQUE
LERON, LERON SINTA BUTO NG PAPAYA
Nagsimula ang lahat noong bago mag-giyerang pandaigdig bandang 1937. Noong panahong iyon nakikinita na ng mga Amerikano sa Pilipinas na may napipintong digmaang magaganap at nagsimula na silang maghanda. Inaanyayahan ang mga kalalakihan sa Kamaynilaan na dumalo sa mga pagsasanay military sa Crame at sa Fort Bonifacio. Isa sa mga natawagan ay isang ama ng tahanan na si Antonio de Leon, mula sa isa sa mga taal na pamilyang taga-baryo Don Galo sa bayan ng Parañaque, Rizal.
Ala-ala pa ng mga matatanda noon na ang lugar na tinagurian ngayong “Coastal” ay tadtad ng mga malalaking bahay ng mga Amerikano na nais tumira malapit sa simoy ng hanging-dagat at sa tunog ng mga alon sa dalampasigan.
Minsan nang umuwi si Antonio mula sa mahabang pagsasanay, naghanda ng piging ang kanyang inang si Aling Poten. Tinawag ang mga kapamilya at mga kaibigan na dumalo sa pagsalubong sa anak na si Antonio. At para sa mga Tagalog noong panahong iyon, hindi tunay ang handaan kung walang natatanging putahe na tinolang manok na isang tanyag na pagkain.
Ang tinola ng mga Tagalog ay manok na nilahukan ng iba’t-ibang rekado subalit higit sa lahat, ng papayang hilaw at dahon ng sili. Bukod sa masarap at malambot ang manok nito, tunay na napakasarap ng sabaw nito. Iba ito sa tinola sa Kabisayaan na siyang tawag sa anumang ulam na may sabaw (baboy, baka, manok at isda).
May kapatid si Antonio na ang pangalan ay Alberto. Si Alberto ay nagtatrabaho noon bilang tagapag-alaga ng kabayo sa tahanan ng isang mayamang Amerikano. Nang matapos kumain, si Alberto ay naghanap ng pamutat (panghimagas o dessert ngayon). Ang sagot ng ina nilang si Aling Poten ay may handang hinog na papaya. Kaya’t dali-daling hinanap ito ni Alberto at sinimulang kainin.
Noong panahong iyon at maging sa ilang lugar pa rin sa Katagalugan ngayon, kapag inihain ang papayang hinog, hindi ito nililinisan ng buto. Basta na lang ito bibiyakin at bahala na ang kakain upang tanggalin ang mga buto habang kinakain ito. Taliwas sa gawi ngayon na malinis na malinis ang papaya kung ilagay sa lamesa.
Tuwang-tuwa si Alberto sa pagkain ng papayang hinog hanggang nagulat siya dahil may isang matigas na bagay siyang nakagat. Akala niya ay buto ng papaya dahil halos kasing laki ito ng isang butil ng buto ng papaya. Sa halip na itapon agad, tinitigan niya at sinuri kung bakit matigas ang inaakalang buto.
Laking gulat niya nang mamasdang tila hugis maliit na poon o imahen ng Mahal na Birhen ang naturang bagay. Bumaba mula sa itaas ng pawid na bahay ang nanay Poten niya at tiniyak na isa ngang maliit na poon ng Birhen ang nasa kamay ng anak na si Alberto.
Puspos ng pagkamangha, pagkatuwa at pagmamahal itinago ng nanay ang imahen sa loob ng kanyang bahay.
Bagamat wala pang makabagong paraan ng komunikasyon noon, mabilis na kumalat ang magandang balita sa buong nayon ng Don Galo kung saan ang mga tao ay tunay na mabubuti, simple at maka-Diyos na mga Katoliko sa lilim ng Bisita ni Santa Monica na siyang mahal na Patrona nila. Salamat sa mga likas na kadaldalan ng mga tao noon, nakilala sa baryo ang mapaghimalang pagkakatagpo sa Mahal na Birhen na tinawag agad at napamahal sa mga tao bilang “Mahal ng Birhen ng Papaya” dahil nga nanggaling ito sa papayang pamutat sa handaan.
PAMIMINTUHO NG MADLA
Humangos ang mga tao sa tahanan ng mga de Leon at doon sa harap ng Birhen ipinagdasal ang mga takot at agam-agam nila tungkol sa giyera. Gayundin, dinala nila ang kanilang panalangin para sa iba’t-ibang pansariling kahilingan sa Birhen.
Naroon din ang mga taong nag-usisa ng mga buto ng papaya, ng balat nito at iba pang bahagi. Kinain, ipinahid, iniuwi ang kaya nilang dalhin mula sa tira ng papaya. Dahil hindi pa uso noon ang masusing pagsasaliksik at pagtatala ng mga pangyayari, hindi naitago ang mga kuwento ng mga taong nakasaksi. Subalit marami daw ang gumaling o gumanda ang pakiramdam matapos gamitin ang anumang natira sa papayang pinagmulan ng Birhen.
Hulyo 25 nang makita ang Birhen at nangako ang pamilya ni Aling Poten na taun-taon ay ipagdaraos ang nobena at kapistahan ng naturang himala sa pamilya. Nagdesisyon din sila na hindi iaalis sa bahay kung saan ito natagpuan ang imahen. Kaya’t ang sinumang makapagmamana ng tahanan ang dapat na magpatuloy at magpanatili ng debosyon ng pamilya at mga kababaryo at kaibigan.
Ang Hulyo 25 ngayon ay Kapistahan ni Santiago Apostol. Bagamat ang pista ng Birhen ng mga de Leon ay sa ganitong petsa din, hindi naman taliwas ang dalawang pagdiriwang. Si Maria ang Reyna ng mga Apostoles. Si Santiago Apostol na siyang nagdala ng Ebanghelyo sa Espanya ay sinasabing nakita ang Mahal na Birhen sa Zaragosa na ngayon ay lugar ng Basilica ng Nuestra Señora del Pilar.
PAGLINGAP NG MAHAL NA BIRHEN SA PAMILYA AT MGA TAO
Noong panahon ng mga Hapon, sinunog ng mga ito ang lahat ng bahay sa gilid ng dagat o Manila Bay sa akalang dito dadaong ang mga Amerikano at madali nilang makikita ang pagdating ng mga ito kung malinis ang buong paligid.
Sa kasagsagan naman ng giyera tumakbo sa bukid ang pamilyang de Leon upang magkubli, dala ang Birhen ng Papaya. Kahit umuulan ng mga bala, ligtas ang buong pamilya.
Sinasabing kapag naga-almirol si Aling Poten at hindi siya tiyak kung uulan ba o aaraw, sinusulyapan niya ng Birhen upang makahango ng hudyat. Kapag nagkulay ginto ang munting imahen, tiyak na maaraw kaya itutuloy niya ang balak na paglalaba at pagaalmirol.
Sa loob ng 81 taon na ngayon, taun-taong ipinagpapamisa at ipinu-prusisyon ng pamilya at mga kababaryo ang munting imahen. Hindi inaabot ng ulan ang prusisyon nito kahit pa sinasabing may nagbabadyang masamang panahon.
May isang babaeng nawala ang anak at kumatok sa tahanan ng mga de Leon. Nagdasal siyang taimtim sa Birhen. Bumalik siya nang natagpuang ligtas ang anak upang magpasalamat. May ibang bigla na lamang dumadalaw upang magpasalamat dahil pinalad daw na nagkapera dahil sa panalangin sa Birhen. Mayroong nagsasabing gumaling sila sa karamdaman ng katawan. At may isang babae mula sa Canada na dumanas ng mapapait na trahedya sa pamilya at kalusugan na nang makaharap ng Birhen ay umagos ang mga luha. Pagkatapos ay sinabi niyang natagpuan niya ang paghilom ng kanyang kaluluwa at nagkaroon ng kapayapaan.
PAYAK NA PANANAMPALATAYA, MATATAG NA PAMILYA
Mula sa ga-butil ng buto papaya, napansing unti-unting lumalaki ang poon sa pagdaan ng panahon. Ngayon ito ay halos 1 ½ inches na. At tumigil na ito sa paglaki. Subalit may napansing kahanga-hanga. Noong higit pa itong mas maliit, halos wala ditong mababakas na anyo maliban sa ito ay hugis ng Mahal na Birhen. Ngayong lumaki na ito ng kaunti pa at kahit na tumigil na ang paglaki nito, siya namang nakikitang nagiging malinaw ang mga detalye nito. Ang korona ng Birhen, ang mukha nito, mga kamay, damit at pati ang baston na nasa mga braso nito.
Kailanman hindi inilathala ng pamilya de Leon ang natatanging kuwento ng kanilang kaugnayan sa Mahal na Birhen ng Papaya. Tahimik nilang isinabuhay ang pagmamahal nila sa Birhen. Sa simula pa ang ginamit na nobena taun-taon ay ang nobena ng Birhen ng Antipolo na noon ay ang siyang higit na tanyag na nobena sa Katagalugan. Kaya nga upang mas mapalalim ang debosyon, pinalitan ng pamilyang de Leon ang opisyal na tawag sa kanilang poon na ngayon ay kinikilala na bilang Ang Mahal na Birhen ng Kapayapaan.
Nakahahanga na kailanman ay hindi ginamit ito ng pamilya upang lumikom o humingi ng donasyon o tulong. Hindi rin sila nakaisip na gamitin ito sa panggagamot o panghuhula ng kinabukasan. Hindi rin nila nais na ma-exploit ang kuwento ng Birhen na pinahahalagahan ng pamilya.
Ang mga deboto mula sa mga kamag-anak, kapitbahay, at ilang nakakaalam ay pinanatiling simple, tahimik at personal at tapat sa paggabay ng pananampalatayang Katoliko. Kung baga, walang nagaganap na commercial value na kaakibat ng debosyon.
Sa mga apo ng matandang Poten, isa sa mga anak ni Antonio, ang siyang nakatira sa orihinal na lugar kung saan natagpuan ang Birhen, sa puno ng tulay ng Don Galo, patungong Santo Ñino at ilang dipa lamang ang layo sa bisita o kapilya ni Santa Monica ng Don Galo.
Maaaring ipagtanong sa tindahang 7-11 sa tapat ng kapilya kung saan ang bahay ni Ginoo at Ginang Monching at  Dessa de Leon. Matimyas na pagtanggap at pagpapaunlak ang ginagawa ng mag-asawa sa nais dumalaw at magdasal sa Birhen. Sa lilim ng kanilang debosyon sa Panginoong Hesus, sa Mahal na Birhen at kay Santa Monica ay pinalaki nila at inaruga ang kanilang mga anak na sina Martin de Leon, JR de Leon, Pepe (Jose Antonio) de Leon, Paulo de Leon at Mary Grace de Leon.
HALINA’T KILALANIN AT PARANGALAN ANG PANGINOONG HESUS AT MAHAL NA BIRHEN SA TAGURING “BIRHEN NG KAPAYAPAAN” (BIRHEN NA GALING SA PAPAYA).

–>