SAINTS OF OCTOBER: SANTA TERESA NG AVILA
OKTUBRE 15
DALAGA AT PANTAS
A. KUWENTO NG BUHAY
Isa sa mga kahanga-hangang babae sa simbahan ay si Santa Teresa ng Avila. Hanggang ngayon ay buhay ang kanyang impluwensya sa mga monasteryo ng Carmelite Order sa buong mundo. Nananatili din ito sa puso ng mga taong natutong magdasal at maglingkod sa Diyos sa tulong ng mga turo at halimbawa ng santa.
Sa buhay niya ay makikita natin na siya ay totoong-totoo sa kanyang pagkatao at walang halong pagpapanggap maging sa kanyang mga kahinaan at pagkakamali. Mababakas din ang katapatan ng kanyang pagmamahal sa Diyos at katapangan na isagawa ang lahat para sa kadakilaan ng Diyos.
Ipinanganak si Teresa de Cepeda y de Ahumada sa Avila, Espanya, noong 1515. Ang pamilya niya ay may magandang katayuan sa lipunan. Ang kanyang lolo sa ama niya ay dating Hudyo na naging isang Katoliko. Ang kanyang ina naman ay isang babae na may magandang hangarin na akayin sa kabutihan at kabanalan ang kanyang mga anak.
Nang maagang mamatay ang kanyang ina, naging malungkutin si Teresa at nabaling ang kanyang pansin sa pagbabasa ng mga nobela at sa pagpapaganda ng kanyang sarili. Subalit lumalim din ang kanyang debosyon sa Mahal na Birhen na ngayon ay ang nag-iisa niyang Ina.
Naging madasalin din si Teresa sa pagkabata dala ng pagbabasa ng mga libro tungkol sa buhay espirituwal at sa buhay ng mga santo. Muntik na siyang tumakas sa kanyang tahanan upang subukan na maging martir sa lupain ng mga Moro (ang tawag sa mga Muslim noon sa Espanya).
Pumasok sa monasteryong Carmelite si Teresa upang maging isang mongha. Pero nagkasakit siya at ilang taon ding halos hindi makatayo sa kanyang higaan. Nang gumaling siya, at matapos makapagbasa ng aklat ni San Agustin, sa edad na 40 taong gulang, nagpasya siyang maging seryoso sa buhay panalangin at kabanalan.
Napansin ni Santa Teresa ang maraming pagbali ng disiplina at batas sa buhay ng monasteryo. Ang mga mongha ay nauubos ang oras sa pagtanggap sa bisita at sa pakikipag-kuwentuhan tungkol sa mga makamundong bagay. May mga mongha na may sariling mga alipin na naglilingkod sa kanilang pangangailangan sa kumbento. Mayroong din ilan na patuloy pa rin ang pagsusuot ng damit na pang-mayaman at hindi ang tunay na abito ng isang mongha.
Pinilit simulan ni Santa Teresa ang gawain ng pagsasaayos at pagbabago (reform) ng monasteryo ng Carmelite Order. Itinatag niya ang isang bagong monasteryo, na ipinangalan kay San Jose (ang kanyang paboritong santo at patron). Dito isinabuhay nila ang tunay na pagyakap sa buhay panalangin, pagdaralita at sakripisyo. Bahagi rin ng disiplina na ang mga mongha niya ay walang mga saplot sa paa tanda ng kusang-loob na sakripisyo.
Pati ang mga monasteryong panlalaki ng Carmelites ay inayos ni Santa Teresa sa tulong ng batambatang si San Juan dela Cruz, na naging spiritual director niya.
Ang gawain ni Santa Teresa ay hindi nagustuhan ng kanyang mga dating kasamang mongha at naging mahirap ang buhay niya sa dami ng ibinatong bintang at paninira laban sa kanya. Maraming pagkakataon din na halos pigilin ng kanyang mga kaaway ang kanyang mga magagandang hangarin para sa religiousorder. Lalong pinatibay ng lahat ng ito ang loob at determinasyon ni Santa Teresa. Noong huli, tinanggap ang kanyang mga bagong monasteryo bilang isang tunay na sanga ng pamilya ng Carmelite Order. Lalong yumabong ang bunga ng Order of Discalced Carmelites (OCD) nina Santa Teresa at San Juan dela Cruz.
Maraming naisulat na aklat si Santa Teresa na kinikilala ngayon bilang mga klasiko ng espirituwalidad. Matatagpuan pa ang mga ito sa mga bookstores o kaya sa internet. Dahil sa kanyang mga isinulat, itinanghal siyang babaeng Pantas ng Simbahan (Doctorof the Church).
Marami din himala at kababalaghang nabalita tungkol kay Santa Teresa. Ang mga ito ay nasaksihan ng mga kasama niya sa monasteryo at pati ng iba niyang tagasunod sa labas ng kumbento. Namatay si Santa Teresa noong 1582.
B. HAMON SA BUHAY
Pinili talaga ng Diyos ang mga kababaihan sa simbahan upang maging instrumento ng pagpapalalim ng pananampalataya at pagdadala ng pagbabago. Kahit ngayon, ang mga babae ang unang nag-aakay sa atin patungo sa Panginoon. Napakarami nilang maituturo sa atin sa paglago sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. Pasalamatan natin ang mga babae sa ating pamilya, paaralan, pamayanan at parokya na walang sawa sa pagtuturo, paglilingkod at pagdarasal.
K. KATAGA NG BUHAY
1 Cor 2,7
sinasalita namin ang misteryosong balak ng lihim na karunungan ng Diyos, ang itinalaga na ng Diyos sa simula pa para dalhin tayo sa kaluwalhatian.
1 Comments