Home » Blog » IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 

ISUKO ANG ANO???

Mk 10:17-30 or 10:17-27

 


 

 

Naranasan mo na bang hamunin ka ng Diyos na isuko ang isang malaking bagay sa buhay mo; iyong mahalaga at makirot kapag nawala sa iyo? Ito ang naganap kay Barbara Heil. Isang convert na Protestante, si Barbara at ang kanyang asawa ay naging mga masugid na misyonero sa iba’t-ibang bansa. Nag-aral siya at nagkamit ng “certificate” kung paano akitin ang mga Katoliko sa kanilang simbahan. Pero sa pagtira niya sa Pilipinas, una niyang nakatagpo ang mga aktibong Kristiyano at nagulat siyang malaman na mga Katoliko pala ang mga ito – puno ng pananampalataya, pagmamahal sa Diyos, sa misyon, at sa kapwa.

 

Nagsunud-sunod pa ang mga pangyayaring tulad nito at nadama ni Barbara na tinatawag siya ng Panginoon na maging Katoliko. Malaking problema ito kasi paano ang kanyang buhay misyonero, ang kanyang Bible school, at ang mga simbahan na itinatag at pinaghirapan niya at ng kanyang asawa? Sa bandang huli, nagpasya siyang isuko ang lahat at sundan ang udyok ng Espiritu Santo sa pagpasok sa simbahang Katoliko.

 

Naranasan mo na din bang nang sumunod ka sa kagustuhan ng Diyos, isinuko at itinaas sa kanya ang lahat-lahat, napagtanto mong sobra-sobra pa ang ibinalik sa iyong biyaya? Matapos maging Katoliko si Barbara, nagulat siyang pati ang kanyang ina, na matagal nang lumayo sa pananampalataya ay sumunod sa kanya sa simbahan at naging aktibong Katoliko din. Si Barbara naman lalong naging busy bilang misyonero, Catholic missionary, sa maraming retreats, conferences, Bible study at marami pang paglilingkod na ginagawa niya ngayon. Higit sa lahat, puno ng ligaya at kapayapaan ang kanyang puso lalo na tuwing makatatanggap siya ng Komunyon sa Banal na Misa. Ito ang taluktok ng kanyang karanasang espirituwal!

 

Sa Mabuting Balita, may hinihingi si Hesus sa lalaking lumapit sa kanya; iwaksi ang kayamanan at sumunod sa kanya. Kaso, lumayong malungkot ang lalaki dahil higit na matimbang sa kanya ang mga ari-arian niya. Siguro ngayon, may hinihingi din sa atin ang Panginoong Hesus na isuko sa kanya. Maaaring hindi kayamanan, pero baka sariling ambisyon para maakay ka niya sa ibang landas… baka ang mataas na pride para mabigyan ka niya ng kapayapaan… baka iyong galit mo at himutok para makaranas ka ng kagalakan… baka iyong mga mapapait na ala-ala ng lumipas para naman makausad ka na at lumigaya…

 

Mahirap magsuko ng malaking bagay sa Panginoon, alam natin iyan. May pagtatalo, may pagbubuno. Subalit tulad ni Barbara, ayaw mo bang subukan kaya? Nais mo bang ibukas ang sarili sa anumang sorpresang inilalaan sa iyong buhay ng Panginoon?